AWOL na empleyado, puwede ­ba­ng ­i-terminate?

Dear Attorney,

Puwede ko bang i-terminate ang empleyado ko na nag-AWOL? Higit isang linggo po siyang nag-absent nang walang paalam at nitong nakaraang Lunes lang siya sumipot ng kusa sa trabaho. Unang beses pa lang naman niya ginawa ito pero marami po ang naabala sa ginawa niya kaya iniisip kong tanggalin na siya. —Grace

Dear Grace,

Ang term na “AWOL” o absent without leave ay tumutukoy lamang sa pagliban sa trabaho ng isang empleyado ng walang paalam. Hindi ito kaagad nangangahulugan ng tuluyang pag-abandona sa trabaho na maaring lapatan ng parusang termination o tuluyang pagkakatanggal sa trabaho.

Ayon sa Korte Suprema sa Pare v. National Labor Relations Commission [376 Phil. 288, 292 (1999)], upang maging makatwiran ang pagsisante sa isang empleyado dahil sa kanyang pag-abandona sa trabaho ay kailangang (1) ang hindi niya pagsipot sa trabaho ay walang sapat o makatwirang rason at (2) siya ay nagpakita ng intensiyon na tuluyang tapusin o putulin na ang ugnayan niya sa kanyang employer.

Sa iyong sitwasyon, mahirap kaagad masabi kung may intensyon ba ang empleyado mo na tapusin na ang ugnayan niya sa iyo bilang employer niya lalo na kung bumalik naman siya ng kusa sa trabaho kamakailan lang.

Dahil ang parusang pagsisisante sa trabaho ay hindi dapat basta-basta ipinapataw, mainam kung pagpaliwanagin mo na lang muna ang iyong empleyado at saka mo tukuyin kung karapat-dapat ba na tanggalin siya sa trabaho. Pagbatayan mo ng iyong magiging desisyon ang (1) paliwanag na ibibigay niya; (2) ang pagkukusa niyang bumalik sa trabaho; at (3) iba pang mga konsiderasyon katulad ng isang beses pa lamang niya ginawa ang pagliban ng walang paalam at ang pinsalang idinulot sa negosyo ng kanyang pag-absent, kung mayroon man.

Show comments