Noong artista pa lang si Ronald Reagan, maraming fans ang sumusulat sa kanya. Minsan, may sumulat sa kanyang isang ina na humihiling ng kanyang larawan na may pirma. Iyon kasi ang kahilingan ng kanyang anak na dalagita.
Ang dalagita ay may sakit sa puso at naka-confine sa ospital. Matapos basahin ang sulat ay binalewala ito ni Reagan. Pare-pareho lang kasi ang kahilingan ng mga sumusulat sa kanya—pahingi ng picture mo na may autograph. Nagsasawa na siyang magbigay ng picture. Marami siyang ginagawa. Hindi pa uso noon ang PA (production assistant). Kapag abala ang artista sa shooting, wala na siyang oras para basahin at pagbigyan ang kahilingan ng fans.
Nagkataong naglilinis ng bahay ang nanay ni Reagan. Nabasa nito ang sulat ng inang humihiling ng picture para sa anak na dalagita. Kumuha si Mother Reagan ng isang picture, sinulatan ng dedication at pinapirmahan sa anak nang umuwi ito sa bahay.
“Mama, puwedeng huwag mo nang intindihin ang mga sulat ng aking tagahanga. Mapapagod ka lang.”
“Anak, ang mga tagahanga mo ang dahilan kung bakit patuloy kang binibigyan ng trabaho ng mga film producers, kaya isang malaking kasalanan na balewalain mo sila.”
Si Mother Reagan na rin ang nag-abalang nagpadala ng picture sa address na ibinigay ng ina ng fan.
Pagkaraan ng isang buwan, muling sumulat ang ina at nagkuwento na maligayang pumanaw ang kanyang anak dahil sa picture na may autograph ng kanyang idol. Namatay itong yakap ang picture ng kanyang idol.
Nagpapasalamat itong mabuti kay Ronald Reagan na napakabuti raw sa kanyang mga tagahanga.
Presidente na si Reagan pero madalas pa rin niyang naikukuwento sa mga kaibigan ang kabutihan ng kanyang ina.
“Noong bata pa ako ay mahirap lang kami. Ang aking ama ay lasenggo. Pero lumaki pa rin ako na isang masayang bata dahil sa aking ina na napakalambing sa mga anak. Nakakalimutan ko ang aming kahirapan at problema sa aking ama dahil sa “sweetness” ni Mama.”
When you are a mother, you are never really alone in your thoughts. A mother always has to think twice, once for herself and once for her child.—Sophia Loren, Women and Beauty.