Dalawang araw bago ang pag-alis ni Pam patungong Canada ay nagkita sila ni Jong.
“Basta pagnagkaroon ng bakante o kaya’y opening, sasabihin ko agad sa’yo. Kaya dapat nakahanda na ang mga dokumento mo—passport, employment certificate, police clearance, etc. Sasabihin ko sa’yo ang mga gagawin. Gusto ko magkasama tayo sa Canada, Jong.’’
“Ako man Pam.’’
“Kaya huwag ka nang mag-aaplay sa ibang bansa. Sa Canada ka mag-concentrate dahil maganda ang manirahan dun. Maraming benepisyo kapag naging citizen ka.’’
“E paano kung matagal ang proseso? At isa pa, wala naman akong kamag-anak na titiraan dun.’’
“Kaya nga ituturo ko sa’yo ang mga gagawin. Maraming Pinoy ang nagtungo roon na wala ring kamag-anak pero ngayon mga citizen na. Basta magsikap at magdasal. At kilala kitang matiyaga Jong. Alam kong kaya mo. Matalino ka at madiskarte. Kung ang iba, nakayang mangibang bansa na walang tumulong kundi sa sariling sikap, ikaw pa kaya?’’
“Salamat sa tiwala mo sa akin, Pam.’’
“Kasi gusto kong dun tayo magsimula ng pamilya. Kapag nakatapos ka nang makatulong kay Inay, Tito Mon at Enod e tayo naman ang magsisimula para sa magiging kinabukasan natin.’’
“Oo, Pam. Tama ang mga sinabi mo.’’
“Basta malakas ang kutob ko na magkakasama tayo sa Canada.’’
Pinisil ni Jong ang palad ni Pam.
NANIBAGO si Jong nang makaalis patungong Canada si Pam. Kahit pa lagi silang may komunikasyon sa pamamagitan ng internet, hinahanap pa rin niya ang pagkikita nila at pagkain sa labas.
Pero gaya ng sabi ni Pam, kailangang magtiis.
Naisip ni Jong na dapat talaga siyang makapag-abroad para mapaginhawa ang kanyang Inay, Tito Mon at matustusan ang pag-aaral ni Enod. Pagsisikapan niyang makarating sa Canada.
Lumipas pa ang mga buwan hanggang maging isang taon. Patuloy siyang naghihintay sa instructions ni Pam kung paano mag-aaplay patungong Canada.
(Itutuloy)