Isang maliit na bayan sa Japan ang dinadayo ng mga turista dahil sa isang vending machine na karne ng oso ang binebenta!
Isa sa lumalaking suliranin ng mga rural areas ngayon sa Japan tulad ng Semboku sa Akita prefecture ay ang pag-atake ng mga Asian black bear sa mga tao. Dahil may kakulangan sa pagkain sa kabundukan, bumababa ang mga oso sa bayan para maghanap ng makakain.
Ayon sa data ng Japan Bear and Forest Society, 75 katao noong 2022 ang nakaranas sa Japan ng pag-atake ng oso at dalawa sa mga ito ang namatay. Upang maiwasan ang mga ganitong insidente, naglalagay ng patibong sa paanan ng bundok ang mga mangangaso sa Akita prefecture.
Ang mga mahuhuling oso ay kinakatay sa slaughterhouse at ang karne nito ay binebenta gamit ang isang vending machine.
Ang naturang vending machine ay itinayo noong November 2022 at makikita ito malapit sa JR Tazawaki station, isang train station kung saan ang isa sa tumitigil na tren ay ang Akita Shinkansen bullet train. Kadalasang bumibili ng karne ng oso ay mga turista na lulan ng bullet train.
Ang mga Asian black bears ay kinokonsidera bilang vulnerable species ngunit hindi pa ito maituturing na endangered animal kaya maaari pa itong kainin sa Japan. Ayon sa mga nakatikim ng karne ng oso, malinis ang lasa nito at walang masamang amoy. Malambot ang karne nito kahit matagal na nakaimbak sa freezer.
Nagkakahalaga ang karne ng oso ng 2200 yen (katumbas ng P1,000) sa bawat 250 grams.