Isang lalaki sa U.S. na may bigote na dalawang talampakan ang haba ang bagong world record holder ng titulong “Longest Mustache on a Living Person”.
Sinukat ang bigote ni Paul Slosar ng Summerville, South Carolina sa National Beard and Mustache Championships at nakumpirma na ang haba nito ay 2 feet and 1 inch. Pagkatapos nito ay sinumite ito sa Guinness World Records para sa official verification. Nito lamang March 2023 ay kinumpirma ng Guinness na si Slosar ang may pinakamahabang bigote sa buong mundo,
Ang style ng bigote ni Slosar ay tinatawag na “English-Style mustache”. Tatlong dekada na niya itong pinapatubo simula nang magreklamo ang kanyang misis na ayaw nito na wala siyang bigote.
Natuklasan ni Slosar na pang-contest ang kanyang bigote nang may mag-alok sa kanya na sumali sa isang facial hair competition. Sa unang sabak niya sa contest, nanalo agad siya ng award na “Best Mustache” at “Best of Show”. Dahil dito, taun-taon na siya sumasali sa World Beard and Mustache Championships simula noong 2017.
Sa panayam kay Slosar, hiningan siya ng tip kung paano magpatubo ng bigote. Pabiro niyang sinagot na ang pag-inom niya ng whiskey ang nakakatulong sa paghaba nito.