EDITORYAL – Proteksiyunan ang mamamayan
AYON kay DILG Sec. Benhur Abalos, bumaba ng 16 percent ang krimen sa unang bahagi ng 2023. Mas mababa raw ito kumpara noong nakaraang taon sa kaparehong period. Ang pagbaba raw ng krimen ngayon ay dahil sa masigasig na pagbabantay ng mga pulis. Nakikita raw ang presensiya ng mga pulis sa kalsada. Ayon pa kay Abalos, naging maigting din ang kampanya ng PNP laban sa loose firearms.
Pero sa nangyayari ngayon na sunud-sunod ang mga krimen, tila mahirap paniwalaan na bumaba ng 16 percent ang krimen gaya ng sinabi ng DILG. Mapapansin na mula nang pumasok ang 2023, nagsimula ang mga pagtambang at pagpatay sa mga elected officials. Hindi lang sa Metro Manila nangyayari ang mga pagtambang kundi sa probinsiya man.
Pinaka-latest ang pagpatay kay Negros Oriental Governor Ruel Degamo na pinasok sa bahay nito ng mga armadong kalalakihan at niratrat noong Marso 4. Bukod kay Degamo, walong iba pa ang napatay. Nang maaresto ang dalawang suspects, sinabi ng mga ito na isang “Cong. Teves” ang mastermind.
Bukod sa pagpatay sa elected officials, sumasalakay din ang mga magnanakaw at pagkatapos nakawan ang target ay pinapatay pa. Katulad nang nangyari sa isang babaing estudyante na pinagnakawan at pinatay sa Cavite. Pinasok sa dormitoryo ang estudyante.
May nagaganap na kidnapping na ang binibiktima ay Pilipino-Chinese. Gaya ng isang negosyante na kinidnap sa Quezon City ay pinatutubos ng P10 milyon. Nang P1 milyon lamang ang naibigay ng pamilya, tinorture at pinatay ang negosyante at itinapon ang bangkay sa Cavite. Mga Chinese at Vietnamese ang suspects sa pagkidnap at pagpatay. Naghahatid ng pangamba ang nangyayaring kidnapping na pawang dayuhan ang suspects.
Balak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na pagdedeploy ng mga pulis sa mga barangay na mataas ang krimen. Ayon kay NCRPO chief Maj. Gen. Edgar Allan Okubo, 240 police officers ang ikakalat sa mga barangay na notorious sa krimen. Maganda ang ideyang ito at sana hindi ningas-kugon. Ginawa na rin ang pagpapakalat ng mga pulis sa mga lugar na mataas ang krimen, pero makalipas lang ang isang buwan, wala na ang kampanya. Nagpapakita lang sa simula nang maganda pero pagtumagal na, wala na. Ang mamamayan ang talo rito.
- Latest