ISANG milyong bahay bawat taon ang target ni President Ferdinand Marcos Jr. na maitayo sa buong panahon ng kanyang termino. Kaya sa loob ng anim na taon, anim na milyong low-cost housing units ang kanyang maipatatayo. Ito raw ang kanyang adhikain—ang mabigyan ng desenteng bahay ang mga mahihirap.
At mukhang magkakaroon ng hugis ang pangako sapagkat marami nang naipatayong bahay sa kabila na mag-iisang taon pa lamang ang gobyernong Marcos sa darating na Hunyo. Kung magtutuluy-tuloy ang housing program, baka sobra pa sa anim na milyong housing units ang maipatatayo.
Noong Lunes, naging panauhing pandangal si Marcos sa groundbreaking ng Disiplina Village sa Arkong Bato Park, Valenzuela City. Ito ang ikaapat na Disiplina Village na itatayo sa 2.07-ektaryang lupain sa Brgy. Arkong Bato kung saan ang makikinabang ay ang 1,200 informal settler families na nasa pampang ng Tullahan River at Manila Bay. Ang pagtatayo ng Disiplina Village ay suporta sa Build Better More Housing Program ng Marcos administration.
Sa okasyon, sinabi ni President Marcos na pinag-aaralan ng kanyang pamahalaan na tayuan ng bahay ang mga nakatiwangwang na lupaing pag-aari ng pamahalaan.
Ayon kay Marcos, patuloy na nagsisikap ang kanyang pamahalaan na makapagpatayo pa nang maraming pabahay para sa mga minamahal niyang kababayan. Pinag-aaralan na raw kung paano isasagawa ang pagtukoy at paggamit sa mga bakanteng lupa ng gobyerno na tatayuan ng mga pabahay.
Maganda ang layunin na mabigyan ng sariling bahay ang mga mahihirap na Pilipino. Nararapat lamang na maging mabusisi sa mga pagkakalooban o benipisyaryo at baka sa dakong huli ay ibebenta lamang ang unit na pinagkaloob at saka babalik sa pagiging iskuwater. Nangyari na ang ganito sa mga nakalipas na administrasyon.
Hindi rin naman dapat na mabigat ang monthly amortization ng mga ipagkakaloob na bahay para hindi mahirapan ang mamamayan. Kung mabigat at hindi mabayaran, sayang lang ang housing program at aabandonahin. Hindi dapat mahirapan ang mga mahihirap sa pagkakamit ng sariling bahay. Ipagkaloob ito sa abot ng kanilang makakaya at laman ng bulsa. Lahat nang Pilipino ay nararapat magkaroon ng desenteng bahay.