EDITORYAL - Magtipid sa tubig

POSIBLENG kapusin sa tubig ang bansa dahil sa kahaharaping El Niño sa mga susunod na buwan. Sa panahong ‘yan magiging madalang ang pag-ulan. Pinapayuhan ang mamamayan na magtipid sa tubig. Maski si President Marcos Jr. ay nagbabala sa kahaharaping krisis sa tubig. Nang magsalita si Marcos sa 6th Edition Water Phi­lippine Conference­ and Exposition sa SMX Convention Center sa Pasay City noong Huwebes, sinabi niyang seryoso ang problema sa tubig sa bansa. Hindi raw siya nananakot pero mahalaga raw ang pagtutulungan ng bawat isa sa problemang ito sa tubig. Binigyang-diin ng president na lubhang malaki ang ginagam­panan ng tubig sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao.

Ang pakiusap ni Marcos na magtulungan ang lahat para malampasan ang krisis sa tubig ay eksakto naman sa inihayag ng PAGASA na pag-iral ng El Niño phenomenon kung saan ay makakararanas ng kakapusan sa ulan at magiging dahilan nang pagkatuyo sa malaking bahagi ng bansa sa mga susunod na buwan.

Nagbabala rin noong Martes ang National Water Resources Board (NWRB) na nahaharap sa kakapusan ng tubig ang Metro Manila sa mga susunod na buwan. Hinihikayat ng NWRB ang publiko na magtipid sa tubig. Payo ni NWRB Executive Director Sevillo David na huwag mag-aksaya at i-recycle ang tubig. Ito raw yung sinasabi nilang dapat ay tumulong ang publiko o consumers sa water manage­ment. Sa ngayon daw ay marami pang tubig ang Angat Dam at kaya pang tustusan ang panganga­ilangan ng mga taga-Metro Manila. Nasa 202.5 daw ngayon ang water level sa Angat Dam at sapat na sapat pa.

Tama naman ang paalala na magtipid sa tubig ang publiko. Pero mas magiging epektibo ang pana­wagan kung mauuna ang pamahalaan sa pagpapakita ng halimbawa sa pagtitipid ng tubig. Ipag-utos sa lahat ng tanggapan na huwag hayaang nakabukas at tulo nang tulo ang mga gripo. Maraming tanggapan ng gobyerno ang nag-aaksaya sa tubig. Hindi rin nila kinukumpuni ang mga sirang tubo ng gripo at patuloy ang tapon.

Marami rin namang sirang tubo ng gripo sa kalye at tila napapabayaan ng Maynilad at Manila Water. Nararapat isaayos para hindi tumagas at hindi ma­sayang ang tubig.

Pangunahan ng pamahalaan ang pagtitipid sa tubig at tiyak na susunod ang mamamayan. Kung ano ang nakikita nila sa mga namumuno, ‘yun din ang kanilang gagawin.

 

Show comments