Maari bang kaltasan ng union dues ang employee na hindi kasali sa union?

Dear Attorney,

Mayroon pong unyon sa kompanyang pinapasukan ko. Maari bang kaltasan ang sahod ko para sa union dues kahit hindi naman nila ako miyembro at wala naman akong ibinibigay na permiso sa kanila? —Danny

Dear Danny,

Sa ilalim ng Article 248 (e), kinikilala ng Labor Code ang karapatan ng mga union na mango­lekta ng union dues kahit mula sa mga hindi nila miyembro.

Maaring kaltasan ang sahod ng empleyadong hindi naman miyembro ng union ng kung (1) ang union ay ang siyang kinikilalang collective bargaining agent na nakikipagnegosasyon sa employer para sa benepisyo ng mga empleyado at (2) tinatanggap naman ng empleyado ang mga benepisyong naging bunga ng pakikipagnegosasyon na ito ng union kahit hindi naman­ siya miyembro nito.

Sa ganitong pagkakataon, hindi na kailangan ng written authorization mula sa empleyado para kaltasan ang kanyang sahod kung tinatanggap naman niya o nakikinabang siya sa mga benepisyo na resulta ng pakikipagnegosasyon ng union.

Ayon kasi sa desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Holy Cross of Davao College, Inc. v. Hon. Joaquin [331 Phil. 680, 692 (1996)], magiging unjust enrichment o hindi makatwirang pagpapayaman kung makikinabang sa mga benepisyong bunga ng pakikipagnegosasyon ng union ang mga hindi naman miyembro nito at hindi naman kinakaltasan ng union dues o fees ang kanilang sahod.

Kaya alamin mo muna kung ang union na tinutukoy mo ay ang kinikilalang collective bargaining agent ng mga emple­yadong katulad mo at kung ikaw ba ay kasalukuyang naki­kinabang sa mga benepisyong naitaguyod nila bunsod ng kani­lang pakikipagnegosasyon sa kompanya. Kung oo, maaring kal­tasan ang sahod mo kahit hindi ka naman miyembro ng union at kahit walang permiso mo. Kung hindi naman, hindi maaring basta-basta bawasan ang sahod mo.

Show comments