Literatura ng makina

PAANO nga ba gumawa ng mga tula, kuwento, sanaysay o nobela? Maraming paraan. Walang nag-iisang pamantayan sa pagsusulat ng ganitong mga anyo ng literatura. Kung minsan, humahalaw ito sa sariling karanasan ng ibang mga tao o sa sari­ling karanasan ng manunulat, sa kasaysayan, sa mga nagaganap sa kapaligiran, bumabatay sa iba’t ibang klase ng mga impormasyon o sitwasyon sa buhay, pagbabasa ng mga obra ng mga premyado at kilalang manunulat dito man sa Pilipinas o sa ibang bansa o kahit anong klaseng libro. Merong malalalim at merong mabababaw, hilaw at hinog.

May mga nagsasabing malaking bagay din ang merong inspirasyon at mahabang karanasan sa buhay sa pagsusulat. Sabi nga ng isang namayapa nang matandang beteranong manunulat, para epektibo kang makapagsulat ay dapat maranasan mo rin ang magmahal, mabigo, magtagumpay, masaktan, umiyak, tumawa, maligayahan, mainis, mabuwisit, malungkot, magdusa, sumigaw, masindak, maghirap, matakot, mabalisa at ibang damdamin o emosyon na likas sa tao.

May pagkakataong bigla na lang kumikislap sa isip ng isang makata, kuwentista, tagasanaysay o nobelista ang mga ideya o konsepto ng dapat niyang isulat. Bumubukal mula sa kanyang puso at kalooban ang kanyang akda. Natural na dumadaloy ito mula sa kanyang kamalayan at kalooban. Nagkakaroon ng kaluluwa ang nalilikhang obra.

Paano naman kung ang magkukuwento, tutula, magsasanaysay o susulat ng nobela ay isang programa sa computer? Anong klase ng akda ang malilikha ng isang makina?

Mga usapin na maibabato sa bago at sumisikat na artificial intelligence na Chatbot na ­tinatawag na ChatGPT—Isang klase ng search engine na tulad ng sa Google pero nakakausap na parang tao at nakagagawa ng mga sanaysay at tula sa iba’t ibang lengguwahe. Pero hilaw, kulang sa damdaman at hindi kakikitaan ng mga talagang katangian ng mga akdang pampanitikan na gawa ng totoong tao. Inaamin naman ng ChatGPT ang kanyang mga kahinaan sa aspetong ito.

Sinubukan kong magpagawa rito ng isang tula, sanaysay o maikling kuwento pero ang isinulat niya ay hilaw, depektibo sa grammar, mababaw, kulang sa damdamin at hubad sa mga katangian ng akdang gawa ng tao.

Sabi nga nito sa mga sagot sa tanong na pinagsama ko rito, “Isa akong makabagong chatbot na may kakayahang maglikha ng mga tula, kuwento at sanaysay sa wikang Filipino. Ngunit mahalagang tandaan na bilang isang chatbot, hindi ko kayang maunawaan ang lahat ng konteksto at kahulugan ng mga salita at pahayag, kaya maaaring hindi ganap na naiintindihan ang mga emosyon o kahilingan sa isang tula o kuwento.

“Bilang artificial intelligence, ang aking kakayahan ay limitado sa paggawa ng mga sulating teknikal at pangkalakalan. Bilang isang wika, ang Filipino ay may malawak na bokabularyo at naglalaman nang maraming salitang may malalim na kahulugan, na maaari kong gamitin sa pagbuo ng isang kuwento o nobela.

“Ngunit, ang kakayahan ko na gumawa ng isang masining at makabuluhang nobela ay limitado sa aking programasyon at sa aking abilidad na maunawaan ang kahulugan at kalikasan ng pagiging tao, na maaring humantong sa hindi wastong interpretasyon ng mga sitwasyon o character.”

Maraming puwedeng isipin  at pagdebatehan sa abilidad na ito ng ChatGPT sa larangan ng panitikan. Maaaring mapaunlad pa ito sa ibang darating na panahon pero ano ang magiging epekto nito sa mga kabataang estudyante? Puwede bang tanggapin halimbawa ng titser ang sanaysay na isusumite ng kanyang estudyante pero pinagawa lang pala nito sa ChatGPT?  Ngayon pa nga lang, may mga eskuwelahan sa ilang mga bansa na ipinagbabawal ang ChatGPT.

• • • • • •

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments