^

Punto Mo

Pantay na karapatan sa kababaihan

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

TUWING Marso, ipinagdiriwang natin ang “Women’s Role in History Month” sa bisa ng proklamasyong nilagdaan noong 1988 ni Presidente Corazon Aquino, bilang pagpapahalaga sa papel na ginagampanan ng kababaihan sa kaunlaran ng bansa. Bukod sa isang buwang pagdiriwang, nakikiisa rin tayo sa pagdiriwang ng International Women’s Day tuwing ika-8 ng Marso para naman isulong ang pantay na karapatan ng kababaihan.

Naging makasaysayan ang pagdiriwang ng women’s month sa taong ito dahil sa desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklarang labag sa konstitusyon at sa prinsipyo ng pantay na karapatan ang retirement policy ng Philippine Airlines (PAL) na nagtatakda ng compulsory retirement age sa babaeng flight attendant sa edad na 55, samantalang 60 sa lalaki.

Ang limang taong diperensya, ayon kay Justice Marvic Leonen na sumulat ng de­sisyon, ay malinaw na diskriminasyon sa kababaihan, labag sa konstitusyon at sa umiiral na pamantayan sa buong daigdig. Labing-siyam na taong ipinaglaban ito ng mga babaeng flight attendants ng PAL, at nakamit nila ang ganap na tagumpay nito lamang taong ito.

Hindi tinanggap ng Korte Suprema ang katwiran na sa edad 55 hanggang 59 ay hindi na kakayanin ng isang babaeng flight attendant na buksan ang emergency doors, o mabilisang magsilbi sa mga pasahero, at matagalan ang mahabang biyahe, kumpara sa mga lalaking flight attendant.

Ikinatwiran din na ang maagang retirement ng babaeng flight attendant ay magbibigay sa kanya ng mas mahabang oras para sa pamilya at mga kaibigan at ng pagkakataong mabago ang kanyang lifestyle para sa higit na balanseng pamumuhay.  Hindi binanggit kung bakit ang mga babae lamang ang dapat makaranas ng ganitong positibong pagbabago bunga ng maagang pagreretiro.

Malaki itong tagumpay ng kababaihan sa PAL. Gayunman, sa buong lipunang Pilipino, hindi pa rin nawawala ang diskriminasyon sa kababaihan na bunga ng di-pantay na pananaw na nagtatakda ng tinatawag na “sex roles,” may gawaing pambabae at panlalaki. Inabutan ko pa ang librong “Pepe and Pilar” na may ganitong paglalarawan: si Tatay ay nagbabasa ng diaryo, si Nanay ay nagluluto; si Kuya ay naglalaro ng basketball, si Ate ay naghuhugas ng pinggan. Wala na ang “Pepe and Pilar,” ngunit nagpatuloy pa rin ang diwa nito sa ibang pamagat.

Nilabanan ni Hesus ang diskriminasyon sa kababaihan. Noong panahon Niya’y ni hindi binibilang ang kababaihan. Sa korte noon, kapag ang saksi ay babae, kailangan ay dalawa sila o higit pa. Pero kung ang saksi ay lalaki, sapat na ang isa. Sa labindalawang alagad ay walang babae, pero puro babae naman ang nanguna sa mahahalagang yugto ng buhay ni Hesus. Tatlong babae ang nanatili sa paanan ng krus habang Siya’y nakabayubay rito. Isang babae ang unang nakakita sa muling pagkabuhay ni Hesus at unang nagbalita sa mga alagad tungkol. Dapat din nating alalahanin na ang Diyos ang lumikha sa unang tao, ngunit lahat ng sumunod na tao’y isinilang na ng isang babae.

Dahil sa pagwasak ni Hesus sa mga pader na naghihiwalay sa mga tao sa lipunan, sinabi ni Pablo sa Galacia 3:28, “Wala nang pagkakaiba ang Hudyo at ang Griyego, ang alipin at ang malaya, ang lalaki at ang babae…”

Bilang mga tagasunod ni Hesus, kailangan tayong manguna sa pagsusulong sa pantay na karapatan ng mga kababaihan sa lipunan!

 

vuukle comment

CORAZON AQUINO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with