Bakit kailangan pang ipa-blotter?
Dear Attorney,
Pina-blotter ko po ang aking kapitbahay. Akala ko po ay sapat na iyon para makasuhan siya sa panggugulo niya sa amin. Iyon pala ay kailangan pa naming magsampa ng hiwalay na reklamo sa fiscal’s office o kaya’y sa korte. Para saan pa ba ang pagpapa-blotter? —Evangeline
Dear Evangeline,
Tama ka na ang barangay o police blotter ay iba pa sa reklamong maari mong isampa sa fiscal’s office o sa korte upang simulan ang isang kaso. Ang blotter naman kasi ay isa lamang report o record ng anumang insidente o pangyayari at hindi ito bahagi ng proseso ng pagdedemanda.
Hindi naman ibig sabihin nito ay wala nang silbi ang pagpapa-blotter. Kahit na hindi bahagi ang pagpapablotter ng pormal na proseso ng pagsasampa ng kaso, maganda pa ring gawin ito sakaling may balak na pagdedemanda.
Maari kasing magamit ang barangay o police blotter bilang ebidensya sa krimen lalo na kung naipa-blotter kaagad ang insidente pagkatapos na pagkatapos nitong mangyari.
Bagama’t may desisyon ang Korte Suprema kung saan nakasaad na hindi dapat kaasahan ang mga blotter dahil madalas ay inaccurate o kulang ang mga records nito sa mga pangyayari (People v. Paragua and Paragua, G.R. No. 96923., 24 May 1996), may desisyon rin naman ang Korte Suprema kung saan nakasaad na prima facie evidence ang blotter ukol sa mga pangyayaring nakatala roon (People v. Belarmino Divina, G.R. Nos. 93808-09, 7 April 1993). Bilang prima facie evidence, ipagpapalagay na totoo ang mga nilalaman ng blotter kung hindi ito mapabulaanan ng ibang ebidensya na maaring i-presenta ng kabilang partido.
Kaya kahit hindi ito bahagi ng pormal na procedure para sa pagdedemanda, may silbi pa rin ang pagpapa-blotter bilang ebidensya para sa inihahandang reklamo ng isang nais magsampa ng kaso.
- Latest