Timer sa traffic lights!

Naku ayan, mabuti at napansin na rin ang mga traffic at pedestrian lights na tila napapabayaan kaya madalas din ang aksidente sa lansangan.

Isinusulong na ngayon ni Sen, Mark Villar na dating naging­ kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang isang panukalang batas na nagmamandato sa paglalagay ng timer sa mga traffic at pedestrian lights.

Hindi nga ba’t minsan na nating natalakay sa kolum na ito ang tungkol dito.

Ang kahalagahan ng mga timer sa mga traffic lights para mapaghandaan ng mga motorista at ng mga pedestrian ang pagbabago sa kulay para sila maging alerto.

Yan ang klarong signal para sa kanila na umantabay sa susunod nilang galaw.

Hindi tulad ngayon, aba’y dapat na aminin na marami talagang dispalinghadong mga traffic light, partikular nga sa Metro Manila sa mga pangunahin pa namang kalsada.

May ilan pa dyan na mistulang sinasadyang baguhin at pabilisin ang pagbabago ng kulay na parang talagang bibiglain ang mga tumatawid at motorista at pagkatapos ay biglang susulpot ang kung sinong traffic enforcer na sisita at huhuli sa kanila.

Kung mag-iikot lang ang mga kinauukulan, talagang parang may nanggugulo sa ilang traffic light.

Kaka-green pa lang biglang stop na, na hindi naa-anticipate ng motorista dahil nga ka-go-go lang.

Hindi ang concern ay kaligtasan ng marami, kundi yun pala merong may masamang balak. Nakaantabay at titiyempo ang ilan sa biglang stop na hindi mo na maihinto at nakatawid ka na, andyan ang ilang ‘buwaya’ na huhuli sa yo.

Malaking bagay ang timer dahil maa-anticipate mo kung aabutan ka na ng stop, eh tigil na.

‘Di nga tulad ngayon sa maraming stop lifght wala na ngang countdown timers, tila may kumakalikot pa.

Matagal na yang problema , na ewan nga lang bakit hanggang sa ngayon eh  tila maraming kinauukulan ang nagbibingi-bingihan.

Kapag may matindi nang trahedya sa lansangan saka magsisisihan.

Show comments