Mga hindi nabigyan ng bonus, may habol ba?
Dear Attorney,
Nag-resign ako nitong February. Nabalitaan ko na nitong nakaraang linggo lang ay namigay ng bonus ang dati kong kompanya para sa naging performance ng mga empleyado noong 2022. Nakuha ko na ang final pay ko pero may habol ba ako sa bonus na ibinigay? Buong 2022 naman ay empleyado ako ng kompanya kaya naisip ko ay dapat kasama ako sa makatanggap ng performance bonus. —Michael
Dear Michael,
Kung nakumpirma mo na sa dati mong kompanya na hindi ka nga kasama sa mga makakatanggap ng performance bonus ay malabong makuha mo ito.
Ang pagbibigay kasi ng bonus ay kabilang sa mga tinatawag na management prerogative o yung mga aspeto ng negosyo kung saan malayang makakapagpasya ang employer upang masigurado niya ang kapakanan ng kanyang negosyo.
Dahil isang management prerogative ang pagbibigay ng bonus, hindi ito obligasyon ng employer puwera na lamang kung (1) bahagi ang pagbibigay ng bonus ng isang kasunduan sa pagitan ng mga empleyado at ng kompanya katulad ng employment contract o collective bargaining agreement; (2) matagal nang practice o nakaugalian ang pagbibigay ng bonus; at (3) maituturing na bahagi ng sahod ng empleyado ang bonus.
Kung hindi angkop ang mga nabanggit sa sitwasyon mo ay malabong may habol ka sa bonus na ipinamigay ng dati mong employer. Hindi dapat ituring na obligasyon ng employer ang pagbibigay ng bonus lalo pa sa sitwasyon mo ngayon na hindi ka na nila empleyado.
- Latest