“NOONG una ayaw kong maniwala sa sinabi ng babae na napagtanungan ko tungkol sa nakatira sa mansion nina Karina. Ipinagbili na raw ang mansion at nag-migrate na sa ibang bansa ang may-ari. At nang itanong ko si Karina, parang nagunaw ang mundo nang sabihin nito na namatay na raw si Karina. Nang itanong ko kung ano ang ikinamatay, hindi naman tuwirang masabi ng babae. Basta ang sabi, nagkasakit daw. Ganun lang. Hindi masabi kung ano ang sakit.
“Umiyak ako nang sabihin iyon ng babae. Naniwala naman agad ako na patay na nga si Karina dahil paralisado ang ibabang bahagi ng katawan nito. Hindi siya makalakad. Kaya nga naka-wheelchair siya.
“Ganunman, ilang beses pa rin akong bumalik sa dating mansion nina Karina at umaasang hindi totoo na namatay siya. Malakas ang kutob ko na dudungaw siya sa bintana na dati niyang ginagawa. Dun nga sa bintanang iyon siya nagdaan para tumakas at sumama sa akin. Pero walang Karina na dumungaw.
“Nang sumunod akong pumunta sa mansion, tinanggap ko na wala na talaga si Karina. Naabutan ko ring ginigiba na ang mansion. Wasak na ang bintana na dati niyang dinudungawan noon. Wala na nga si Karina. Wala na ang mahal kong asawa.
“Dahil sa nangyari, napabayaan ko ang sarili. Nawalan ako ng trabaho. Nalulong ako sa alak. Halos araw-araw, umiinom ako. Napalayas ako sa inuupahang kuwarto. Nagpalipat-lipat ako. Hanggang sa mapadpad ako sa lugar na ito. Sa paglipat-lipat ko, kasama ko ang wheelchair ni Karina.
“Hanggang sa maisipan kong gamitin sa pamamalimos ang wheelchair. Nagkunwari akong PWD.’’
Tumigil si Tito Mon sa pagkukuwento at nayugyog ang balikat. Umiyak siya.
Pinayapa ko si Tito Mon.
Itutuloy