SA dami ng idineploy na tauhan ng militar at pulis, eh mukhang matindi talaga ang problema sa peace and order sa lalawigan ng Negros Oriental.
Biruin ba namang nasa 10,000 pulis at militar ang ikakalat sa buong lalawigan, at kasabay pa rito ang pagpapaigting sa mga checkpoint sa lugar.
Nauna nang nagpatupad ng gun ban sa lalawigan, mistulang Martial Law o nakasailalim sa State of Emergency ang probinsya dahil sa ganitong pangyayari.
Bukod nga kasi sa pagtugis pa sa mga natitirang killers ni Gov. Roel Degamo, marami pa ring mga pagpatay at karahasan ang naganap sa lalawigan na tila ngayon na lamang nabubunyag.
Sa kasalukuyan, bagamat wala pang malinaw na motibo sa pagpaslang kay Degamo, sinisilip ang anggulong may kinalaman sa pulitika ang motibo sa krimen.
Una nang lumutang ang pangalan ni Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo Teves matapos banggitin ng isa sa sumukong suspect.
Isa si Teves sa isinasailalim na rin ngayon sa imbestigasyon kaugnay sa naganap na krimen.
Itinanggi ng solon na may kinalaman siya sa Degamo slay bagamat inaasahan na umano niya na isasangkot ang kanyang pangalan.
Biyernes ng salakayin ang mga bahay at resort ni Teves kung saan nasamsam ang matataas na kalibre ng baril at mga bala.
Dahil sa ganitong mga pangyayari, maituturing na nabulabog ang lalawigan at pinaghaharian ng takot ang marami.
Kung tutuusin umano maraming residente sa lalawigan ang napabuntung hiningan na lamang dahil sa matagal na umano ang mga kahalintulad na karahasan na nagaganap doon, at ngayon na lamang nabibigyan ng pansin matapos ang pagkamatay ni Degamo at kung hindi pa ipinag-utos ng Pangulong Bongbong ang pagtugis at pagpapanagot sa mga sangkot.
Nabatid nga kay DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla mahigit sa 10 pang insidente ng patayan ang iniimbestigahan ngayon bukod sa pagpaslang kay Degamo.
Ngayon na lang ito nabibigyan ng kaukulang pansin dahil sa pagkamatay ng gobernador na inilarawan ng DOJ na ‘pattern of impunity’ na lubhang nakakatakot.