A.I. ngayon, O.I. bukas?

SA makabagong panahon ngayon, isa sa mga teknolohiyang pinakikinabangan ng mundo ang tinatawag na Artificial Intelligence (A.I.). Nagagamit ito sa maraming larangan sa pribado man o pampublikong sektor tulad sa medisina, negosyo, industriya, edukasyon, seguridad, pinansiyal na transaksyon, pagbabanko, komunikasyon, astronomiya, pananaliksik, transportasyon,  komersiyo, navigation, militar, pulisya at iba pa.

Ang tinatawag na biometric o ang facial recognition sa cell phone o voice recognition halimbawa  ay gumagamit ng A.I. Isang klase rin ng A.I. ang search engine ng Google at ChatGPT, Netflix, Youtube, drone, self-driving cars, virtual o digital assistants, at iba pa.

Marami na ring klase ng mga robot at computer kahit mga satellite ang ginagamitan ng ganitong teknolohiya. At habang patuloy ito sa pag-unlad, patuloy na nadaragdagan ang gamit ng A.I. sa araw-araw na buhay ng tao.

Walang kabatiran kung ano naman ang susunod na bagong uusbong na teknolohiya pagkatapos ng A.I.. Baka itong tinatawag na Organoid Intelligence (O.I.) na niluluto sa kasalukuyan ng ilang mga researcher at scientist sa ilang mga bansa. Ito ang pinag-eeksperimentuhan nilang mas makabagong computer na may sariling utak na gawa mula sa mga laman o selula ng tao. Sa madaling-sabi, computer na may sariling pag-iisip.

Pinaplano nilang magpalaki at magparami ng mga brain cell na tinatawag nilang organoid at lumikha ng teknolohiyang magbibigay-daan para ang mga selulang ito ay maging mas makapangyarihan at mas mahusay na computer. Isang grupo ng mga researcher, ayon sa isang isyu ng Popular Mechanics kamakailan, ang nagbinyag dito ng pangalang Organoid Intelligence o O.I. at plano nilang maisakatuparan ito.

Umaasa ang mga researcher na ito na makakagamit sila ng mga sample ng mga tissue mula sa katawan ng tao para makalikha ng maliliit na koleksyon ng mga selula ng utak na magagamit bilang kapalit ng standard na silicon computer chips.

Umaasa rin ang mga researcher na ang mga maiimbentong OI na computer ay magagamit sa pag-aanalisa at paghahanap ng remedy sa kundisyon ng mga tao na merong kapansanan sa pag-iisip, memorya o Alzheimer’s disease.

“Halimbawa, maaaring paghambingin natin ang pormasyon ng memorya sa organoid na nakuha mula sa malusog na tao at yaong nagmula sa pasyenteng may Alzheimer at subukang kumpunihin ang mga depekto,” sabi ni Thomas Hartung, isang researcher sa Johns Hopkins University at isa sa mga awtor ng pag-aaral na lumabas sa Popular Mechanics. “Maaaring gamitin ang OI para subukan kung may mga substances na tulad ng pesticide na nagdudulot ng problema sa memorya o learning problem,” dagdag pa niya.

Bago pa lamang naman ang konseptong ito ng O.I. kaya kahit ilang taon  na itong pinag-eeksperimentuhan, matagal pa bago masagot o malinawan ang mga tanong, usapin, implikasyon o kumplikasyon na maaaring umusbong o umuusbong kaugnay ng ganitong teknolohiya.

Tulad ng kuwestiyon kung okay lang ba na gamitin ang selula ng tao sa paglikha ng computer? Maaari bang magkaroon ng kamalayan ang computer na gawa sa selula ng tao? Iyong kamalayan na tulad ng sa buhay na tao na merong kamalayan.

Puwede bang mangyari at hahayaan bang mangyari na ang isang computer ay may sariling isip tulad ng sa tao, makakagawa ng sarili niyang opinyon at pagsusuri, makakapagdesisyon nang mag-isa, magiging mapanuri, maaaring manghusga o humatol, at iba pang mga katangian sa utak na meron ang tao? Mga tanong na karaniwan ding ibinabato sa mga nalilikhang robot sa kasalukuyang panahon.

• • • • • •

Email: rmb2012x@gmail.com

 

Show comments