ISANG tattoo artist sa Vadodara, Gujarat, India ang nakatanggap ng Guinness World Record matapos niyang tattooan ang 64 katao nang halos walang pahinga sa loob ng 91 oras o mahigit tatlong araw!
Sinimulan ni Ishan Rana ang kanyang tattoo marathon noong Marso 3 at natapos siya noong Marso 7. Sa loob 91 oras, nakapaglagay siya ng 74 na tattoo sa 64 na kliyente.
Dahil dito, nakuha niya ang Guinness World Record title na “Longest Tattoo Session on multiple people”. Nahigitan ni Rana ang previous record holder na si Giovanni Vassallo ng Italy na may record na 61 oras at 37 minuto.
Ayon kay Rana, kinunsulta niya ang Guinness World Record organization bago gawin ang tattoo marathon para makasigurado siya na wala siyang nilalabag na patakaran ng nasabing organisasyon.
Siniguro rin niya na ligtas ang kanyang mga kliyente at sinunod niya ang rule ng Guinness na maaari siyang magpahinga ng 20 minutes sa bawat apat na oras.