Walang anak ang mag-asawang Nestor at Adela. Si Nestor ay dating guerrilla noong panahon ng Hapon at may nakabaon daw na bala sa katawan nito. Ayon sa bulung-bulungan, ito raw ang dahilan kung bakit nabaog ito. At ito rin ang dahilan kung bakit naging babaero si Nestor.
Araw-araw na ginawa ng Diyos ay nag-aaway ang mag-asawa. Ang problema kay Nestor, ibinabahay pa niya ang kabit malapit sa tirahan nila. Hindi nabakante si Nestor sa pambababae. Pinakamatagal niyang relasyon sa kabit niya ay anim na buwan. Ang tingin ng mga tao ay parang pinupuno lang nito ang “pagkalalaki” sa pamamagitan ng pambababae.
Ang ipinagtataka ng mga kapitbahay, hindi kailanman naghiwalay ang mag-asawa. Natiis ni Adela ang pagtataksil ng asawa. Nanatili silang mag-asawa sa loob ng 60 taon. Iyon nga lang, nang umabot na sila sa kanilang ika-40 taong pagsasama, naghiwalay na sila ng tulugan. Si Nestor ay sa second floor natutulog samantalang si Adela ay nasa ground floor.
Isang araw ay isinugod si Adela sa ospital. Bigla siyang inatake sa puso at namatay. Kasama si Nestor sa ospital. Halos hindi ito makagulapay sa pag-iyak nang dalhin sa morgue si Adela. Sa isang iglap ay sumakit ang dibdib ni Nestor. Habang ginagamot ng doktor. Nakapagsalita pa ito ng, “Dok, ayoko nang mabuhay. Gusto ko nang sumama sa aking asawa. Hindi ko kayang mabuhay nang wala siya.”
Iyon lang at nalagutan ng hininga si Nestor. Nabigla ang lahat. Sa kabila ng magulo nilang pagsasama at ilang taong paghihiwalay ng higaan, naroon pa rin pala ang itinatagong matinding pagmamahalan sa isa’t isa.
Sa isang banda, sa kabila ng kataksilan ni Nestor, hindi siya hinihiwalayan ni Adela. Inamin nito sa kapatid na hindi nabawasan kahit kailan ang pagmamahal niya kay Nestor. Nagagalit siya sa ginagawa nito pero hindi sa mismong asawa. At ang pagmamahal na iyon ang dahilan kung bakit hindi sila naghiwalay ng landas kahit kailan.