NORMAL na sa mga estudyante ng University of Southern Denmark na makakita ng multo sa kanilang library. Ang ipinagtataka lang nila ay sa isang spot lang sa library ang mga ito nakikita. Doon sa section ng mga librong inilimbag noong 14th, 16th at 17th centuries na ang karamihan ay nakasulat sa Latin. Ang madalas nilang makita ay aparisyon ng ancient monks na paikut-ikot sa section na iyon ng library na parang binabantayan nila ang mga libro.
Minsan, kinailangang i-check ang mga antique na libro para makatiyak na ang mga ito ay hindi nasisira sa tagal ng panahon. Ang naatasang mag-check ay mga scientists. Nang buklatin ang mga pahina, ang mga teksto ay mahirap nang mabasa dahil nakukulapulan ito ng green pigments. Isinailalim nila sa x-ray ang mga libro. Base sa x-ray analysis, ang green pigments ay lason na kung tawagin ay arsenic.
Noong unang panahon, gumagamit ang bookbinders ng arsenic sa paggawa ng book cover. Napag-alaman ng mga scientists na nag-analisa ng mga antique na libro na napakataas ng concentration ng arsenic na nakadikit sa bawat pahina ng libro. Ayon sa pagsasaliksik, ilang monks na ang namatay noong unang panahon habang nagbabasa ng mga nasabing libro.
Nagkaroon tuloy ng haka-haka ang mga estudyante na pinuprotektahan lang sila ng mga multo para hindi nila magamit ang mga librong may nakamamatay na lason.