^

Punto Mo

Lokohan sa crypto currency

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

LEHITIMO naman at maraming klase ang crypto currency. Popular dito ang Bitcoin at Ether. Ito ang klase ng pera na hindi nahahawakan tulad ng sa perang papel o barya. Isa itong digital na pera na ginagamitan ng teknolohiya. Ang mga bilihan, bayaran at ibang transaksyon kaugnay nito ay isinasagawa nang elektroniko o sa pamamagitan ng internet, computer, cell phone, Cyptocurrency ATM, website, apps at iba pa.

Ang mga pera ay inilalagak sa tinatawag na digital wallet. Hindi naman ito ipinagbabawal pero hindi ito ganap na suportado ng pamahalaan. Merong crypto currency na mabuti pero meron din namang masama. Kaya nga pinag-iingat ang publiko sa crypto currency lalo na ang mga gustong mamuhunan dito o makipagtransaksyon sa pamamagitan ng crypto currency. Marami kasing peligro rito.

Kadalasang sinumang naloko o nawalan ng malaking pera sa crypto currency ay walang habol. Walang makakatulong sa kanya para mabawi ang kanyang pera lalo na kung scam ang napasok niyang crypto currency.  Kaya nga ipinapayo ng ilang mga eksperto at mga awtoridad sa publiko na magsaliksik muna hinggil sa crypto currency bago nila ito patulan.

Nagkalat at marami ang mga manloloko o scammer na gumagamit ng crypto currency para mambiktima na hindi naman kataka-taka dahil malaganap sila sa internet. Tumitindi pa nga ang kanilang modus. Isang halimbawa ang napaulat kamakailan na human trafficking sa daan-daang overseas Filipino worker na pinilit magtrabaho ng ilang sindikato sa mga crypto scam sa Cambodia, Thailand, Vietnam, Laos, Myanmar at Singapore na ang karaniwang mga biktima ay nasa United States at United Kingdom.

Ang Federal Trade Commission ng U.S. halimbawa ay naglatag ng ilang idea kung paano matutukoy ang mga panloloko sa crypto currency. Isang halimbawa, ang mga scammer lang ang maniningil ng perang crypto currency. Kapag may nakilala sa isang dating site o app at itinuturo niya kung paano mamuhunan sa crypto o sabihan na padalhan sila ng crypto, isa itong panloloko.

Merong mga scammer na gumagamit sa pangalan ng mga lehitimong kumpanya o ahensiya ng pamahalaan o mga awtoridad  o ng mga celebrities para makuhanan ng pera ang kanilang mga biktima.

Huwag maniwala sa garantiya ng scammer na kikita ka nang malaking pera. Walang sinumang makakapaggarantiya dito lalo na sa loob ng maikling panahon.  Hindi totoong napakaliit ng peligro sa crypto currency investment.

Magaganda ang mga ipinapangako ng crypto scammer pero walang mga detalye o paliwanag. Bago mamuhunan sa crypto, hanapin sa internet ang pangalan ng kumpanya o tao at ang pangalan ng crypto currency at ang mga salitang tulad ng “review”, “scam,” o “complaint”.

Alamin ang sinasabi ng ibang tao hinggil dito. At magbasa ng ibang mga common investment scam.  Sa mga job site, nag-aalok ng mga pekeng trabaho ang mga scammer at ang mga aplikante ay sisingilin nila ng crypto currency.

Walang lehitimong negosyo o pamahalaan na mag-e-email o magtetext sa iyo o magmemensahe sa iyo sa social media para hingan ka ng pera.  At hindi ka nila pagbabayarin sa pamamagitan ng crypto currency.

Huwag iklik ang mga link sa mga matatanggap na text, email o social  media message na humihingi ng pera kahit pa nagmula ito sa kumpanya na kilala mo. Marami pang ibang sistema ang mga crypto scammer para makapanloko kaya mahalagang mag-ingat at magsaliksik hinggil dito.

• • • • • •

Email: [email protected]

CURRENCY

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with