Ang 2 estudyante sa food court

ISANG Pilipina ang nakapag-asawa ng Koreano na taga-Seoul. Simula noon, doon na siya nanirahan. Sa isang exclusive school for girls siya nagtrabaho bilang security guard. Ang isa sa kanyang job responsibilities ay ikutin ang buong eskuwelahan after 6:00 p.m. upang i-check kung may mga estudyante pa na kakalat-kalat sa eskuwelahan. Bawal tumigil sa loob ng school ang mga estudyante mula 6:00 p.m. pataas.

Isang hapon, may dalawang estudyante pa sa food court. Sarado na ang mga stalls sa food court pero magandang lugar ito para doon hintayin ang kanilang sundo. Malapit kasi ito sa gate ng school. Ang mesa sa food court ay mahaba na parang dining table sa bahay. Ang isang estudyante ay abala sa pagsusulat sa kanyang notebook, samantalang ang isa ay nagdodrowing. Magkatabi sila ng upuan. Napansin ng lady guard na hindi nag-uusap ang dalawa. Ang bawat isa ay abala sa kanilang ginagawa. Tiningnan ng guard ang relo, 5:30 p.m. pa lang.

Nagpatuloy sa pag-ikot ang lady guard. Muli niyang binalikan ang food court. Wala na ang nagdodrowing. Ang naroon na lang ay ang nagsusulat sa notebook. Tinanong niya ito, “’Andiyan ka pa? Sino ang susundo sa iyo?”

“Ang Mama ko. Male-late daw siya ng ilang minuto.”

“Nasaan ‘yung katabi mo kanina? Wala akong nakitang pumasok na kotse. Nakita mo kung sino ang sumundo sa kanya?”

“Ako lang ang tao rito. Wala akong kasama.”

Kumunot ang noo ng guard. Pero wala siyang sinabi.

Kinabukasan, pag-ikot niya ulit sa eskuwelahan, mayroon na namang estudyante sa food court. Siya ‘yung nagdodrowing kahapon. Kinausap niya ito.

“Di ba narito ka kahapon ng 5:30?”

“Oo, bakit?”

“Di ba may katabi kang estudyante rin na naghihintay rin ng sundo?”

“Ang natatandaan ko, ako lang ang tao rito sa food court.”

“Wala kang nakita na nagsusulat sa kanyang notebook?”

“As I said, ako lang ang tao rito. Naging dalawa tayo nang dumating ka. I saw you nang dumaan ka.”

Ipinagpatuloy ng guard ang pag-iikot. Inaamin niya, kinikilabutan na siya. May nabubuo na siyang hinala sa mga pangyayari. Sa ikalawang pag-ikot, naroon ang dalawang estudyante sa food court: isang nagsusulat sa notebook at ang isa ay nagdodrowing naman. May gusto siyang malaman. Ginawa niya ang itinuro ng kanyang mister na Koreano.

Habang nakatayo, ang lady guard ay tumalikod sa kinaroroonan ng dalawang estudyante. Tumungo siya at pabaliktad na sinilip ang dalawa sa pagitan ng kanyang mga binti. Iyon bang posisyon na nakatuwad siya. Iyon ang paraan upang malaman niya kung sino ang tao o multo sa dalawang estudyante. Kung multo na nagpapanggap lang na tao, ang masisilip ay kalansay o bangkay na naaagnas.

Nanlaki ang mata ng lady guard at nagpakawala ng isang napakalakas na sigaw. Dalawang kalansay ang nakita niyang nakaupo sa food court!

 

Show comments