ABALANG-ABALA ang mababang kapulungan ng Kongreso sa isinusulong nilang pagpapalit ng 1987 Constitution. Inaprubahan na ng House of Representatives panel ang isang resolusyon na tumatawag sa pagkakaroon ng Constitutional convention (Con-con). Sabi ni Cagayan de Oro representative Rufus Rodriguez, chairman ng House committee on constitutional amendments, magkakaroon umano ng mga kunsultasyon bago magpatawag ng Con-con. Ayon pa kay Rodriguez, marami ang pumapabor na magkaroon ng Con-con. Ninety three percent umano ay pabor na amyendahan ang 1987 Constitution na nakatutok sa economic provision.
Habang ang House ay nanggagalaiti sa pagpapalit ng Constitution, malamig naman ang pagtanggap ng Senado sa Charter change. Marami sa mga senador ang nagsasabing hindi ito prayoridad. Sa mga nakaraan, laging nire-reject ng Senado ang Cha-cha. Sinabi naman kamakalawa ni Sen. Robinhood Padilla, 50 percent ng mga senador ay pabor sa Cha-cha at kabilang siya roon.
Habang marami ang pumapabor sa Cha-cha, sinabi naman ni President Ferdinand Marcos Jr. na hindi prayoridad ng kanyang administrasyon ang pagpapalit sa 1987 Constitution. May mas mahalaga umano rito na dapat tuunan ng pansin.
Noon pa marami na ang tumututol sa Cha-cha at sa kabila nito, marami pa ring mambabatas ang patuloy na isinusulong ito. Kahit na malamig ang pagtanggap, paulit-ulit pa ring ipinipilit na palitan ang Constitution.
Sa kasalukuyang kalagayan ng bansa na bago pa lamang bumabangon sa pagkalugmok dahil sa bagsik na dulot ng pandemya, dapat isantabi na muna ang usapin sa pag-amyenda. Ang tuunan ng mga mambabatas ay kung paano mapapagaan ang pasanin ng mamamayan na ngayon ay sinagasaan ng inflation. Nagtaasan ang presyo ng bilihin at serbisyo. Marami rin ang walang trabaho.
Kung ipupursigi ang Cha-cha, malaki ang gagastusin sa pagdaraos ng plebisito para sa Cha-cha. Ayon sa NEDA, gagastos ang pamahalaan ng P13.8 bilyon para sa plebisito. Napakalaking halaga nito na mas marami ang makikinabang kung ibubuhos para sa kapakanan ng mga mamamayan na nagrerebelde ang sikmura. Unahin ang mga dinadayukdok ng gutom at mga walang tahanan.