MAGANDANG desisyon ang ginawa ng Department of Migrant Workers (DMW) na suspendihin ang pagpapadala ng household workers o domestic helpers (DHs) sa Kuwait. Sa wakas nakinig din sila sa panawagan na itigil ang pagpapadala ng DHs sa nabanggit na bansa na noon pa nagmamaltrato ng mga kasambahay. Inatasan ang mga recruitment agencies na ihinto ang pagproseso ng mga papeles ng mga bagong domestic helpers na patungo sa Kuwait.
Noong una, sinabi ng DMW na magpapatuloy ang deployment sa kabila nang nangyaring pagpatay kay Jullebee Ranara sa Kuwait noong Enero 21. Pagkatapos patayin, sinunog pa ang bangkay ni Ranara sa isang disyerto. lumalabas na ginahasa pa ang Pinay. Nakakulong na umano ang 17-anyos na suspect na anak ng amo ni Ranara.
Bagaman, sinuspende na ang pagpapadala ng mga bagong DHs sa Kuwait, mayroon namang himig ng panghihinayang sa mga opisyal ng pamahalaan. Ayon kay DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac, maaapektuhan ng deployment ban ang 47,000 na mga bagong domestic helpers. Pinagbatayan ni Cacdac ang bilang ng mga Pinay domestic helpers na nakaalis patungong Kuwait noong 2022. Ayon kay Cacdac, mananatili ang deployment ban at maaalis lamang ito kapag nakakita na ng reporma ang gobyerno para sa matibay na proteksiyon ng OFWs sa Kuwait.
Ayon pa kay Cacdac, gagawa ng hakbang ang pamahalaan para masubaybayan ang household workers. Magsasagawa rin umano ng orientation campaign o seminar para sa mga manggagawa at employer sa Kuwait upang maintindihan nila ang kulturang Pinoy, kaugalian at nang mabawasan ang mga hindi pagkakaunawaan.
Bagama’t marami ang maapektuhan ng deployment ban ng DHs sa Kuwait, mas marami rin naman ang nagpapasalamat sapagkat marami ang makakaligtas sa panganib. Naniniwala kami na mahirap nang mabago ang ugali ng mga Kuwaiti at dapat iwasan ang mga ito. Mas maganda kung ang isusulong ng DMW ay sa ibang bansa na lang magtungo ang Pinay household workers gaya sa Singapore at Hong Kong na walang nababalitang pagmamaltrato at pang-aabuso.