BAGO pa lang ang pari na naka-assign sa isang maliit na bayan sa probinsiya. Bago siya magpunta sa bayan iyon, nauna nang ipinagtapat ng Bishop na hindi palasimba ang mga tao roon. Karamihan sa mga residente ay Katoliko pero walang panahong magsimba dahil abala sa kanilang paghahanapbuhay. Mahihirap lang ang mga tao kaya mas inuuna ang paghahanap ng ikabubuhay ng pisikal na katawan kaysa ikabubuhay ng kaluluwa.
Kaya isang araw ng Sabado, naisipan niyang bisitahin ang kanyang parishioners upang makilala ang mga ito nang personal. Sa bawat pagbisita ay nag-iiwan siya ng isang Bibliya para may mabasa ang mga ito. Naging kasiya-siya ang pagbisita niya sa tahanan ng kanyang parishioners dahil naipaliwanag niya ang kahalagahan ng pagsisimba kahit man lang sa araw ng Linggo.
Sa isang bahay kubo ay kumatok si Father. Walang sumasagot pero halatang may tao sa loob. Inulit niya ang katok at pagtatao po pero wala talagang sumasagot. Naisip niyang mag-iwan ng Bibliya sa pintuan. Isiningit niya sa Bibliya ang kanyang calling card na may nakasulat na Revelation 3:20 . Ito ay nagsasaad ng : Here I am! I stand at the door and knock. If anyone hears my voice and opens the door, I will come in and eat with that person, and they with me.
Kinabukasan, Linggo, bago magmisa ay may iniabot sa kanya ang sakristan.
“Father, ipinabibigay po ng isang lalaki sa iyo.”
Tinitigan niya ang iniabot ng sakristan—iyon ang calling card na isiningit niya sa Bibliyang iniwanan niya sa bahay kubong walang tumugon sa kanyang pagkatok. Sa tabi ng isinulat niyang Revelation 3:20, ay nakasulat naman ang Genesis 3:10. Dali-daling kumuha ng Bibliya si Father at binuklat ang pahina Genesis 3:10 “I heard the sound of You in the garden, and I was afraid because I was naked; so I hid myself.”