Kompanya sa China, pinagsuot ng maskara ang mga aplikante sa job interview!
ISANG logistics company sa Chengdu, China ang nakatanggap ng mga papuri at paghanga mula sa mga Chinese netizens dahil sa kumalat na mga litrato at video sa naganap na job interview ng kanilang kompanya.
Naging viral sa social media ang mga video at litrato sa isang job interview ng kompanyang Chengdu Ant Logistics kung saan pinagsuot nila ng maskara ang mga aplikante.
Mapapanood sa viral video na nakasuot ng puting maskara ang mga aplikante na iniinterbyu. Makikita rin sa video na pati ang taga-human resources department na nagsasagawa ng interview ay nakasuot ng kaparehas na maskara.
Umabot na hanggang sa mga news program sa TV ang issue kaya naglabas ng statement ang Chengdu Ant Logistics at sinabing nagmula ang video sa kakatapos lang na biannual recruitment fair ng kanilang kompanya.
Naisipan nila na magpasuot ng maskara para maging patas sa lahat ng aplikante at hindi tumingin sa panlabas na anyo ang mga taga-HR na magsasagawa ng interview. Sa paraan na ito, mas makikita nila ang abilidad ng isang aplikante kaysa sa hitsura nito. Pinagsuot din nila ng maskara ang taga-interview para mabawasan ang kaba at stress ng aplikante.
Nakatanggap ng positibong feedback mula sa mga Chinese netizens ang style na ito ng logistics company at maraming nagbakasakali na sana lahat ng kompanya ay ganito ang proseso ng recruitment.
- Latest