EDITORYAL - Jeepney modernization nararapat ipagpatuloy
NAGHAHATID ng agam-agam na ang pag-extend sa deadline para sa jeepney modernization ay hindi na magkakaroon ng katuparan at mawawala na sa dakong huli. Pero sabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), binigyan lamang ng extension ang mga operator ng traditional jeepney para makapaghanda sa modernisasyon. Isang taon ang binigay na palugit sa jeepney operators.
Ang orihinal na deadline para itigil nang tuluyan ang operasyon ng mga lumang jeeney ay sa Marso 31, 2023. Ang pagkansela sa prankisa ng mga lumang jeepney ay alinsunod sa public utility vehicle modernization program. Sa pagpapalawig ng prankisa, maaaring magpatuloy sa pamamasada ang may 25,000 jeepney hangga’t hindi inihahayag kung hanggang kailan ang extension ng prankisa.
Sinabi ng LTFRB na 60 porsiyento pa lamang ang nakakasunod sa jeepney modernization. Ayon kay LTFRB chairman Teofilo Guadiz III, 85 percent ng tradisyunal na jeepney ang target nila para sa modernisasyon.
Mukhang maikli ang isang taon para sa extension ng mga tradisyunal na jeepney lalo pa nga at bago pa lamang bumabangon ang ekonomiya ng bansa. Bukod pa rito, patuloy ang pagtaas ng petroleum products. Patuloy din ang pagtaas ng bilihin, Marami sa riding public ay umaasa sa libreng sakay.
Mas maganda kung tutulungan ng pamahalaan ang mga operator na makabili ng mga modernong jeepney na abot kaya. Kung maaari, panatilihin ang anyo ng mga jeepney na naging tatak na sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, ang modern jeepneys ay nagkakahalaga ng P700,000 hanggang P1-milyon. Paano kakayanin ng operators ang halagang ito? Mahirap lalo pa nga sa panahong ito na bagsak ang ekonomiya, mataas ang inflation rates at patuloy ang oil price increase.
Kung matutulungan ng pamahalaan na makabili ng modern jeepney ang mga operator, posibleng matuloy ang modernization. Maaari rin namang kunin ang tulong ng mga sikat na jeepney maker na gaya ng Sarao Motors, Francisco Motors, Malaguena Motors at iba pang mahuhusay na kompanya. Maaaring may maitulong sila sa jeepney modernization. Malawak ang kakayahan nila at maraming maipapayo sa usapin ng modernisasyon.
Gawin ng pamahalaan ang lahat para maipagpatuloy ang jeepney modernization. Tuparin ang nakasaad sa batas.
- Latest