SA wakas, nagbunga rin ang kampanya ng mga tumututol sa quarrying sa Marikina watershed. Narinig din ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang matagal nang hinaing na ipahinto ang quarrying activities ng tatlong kompanya sa watershed protected areas. Tatlong taon nang nananawagan ang Upper Marikina Watershed Coalition sa DENR na kanselahin ang kasunduan sa mga kompanya na nagku-quarry. Pero walang aksyon ang DENR sa ilalim ng nakaraang administrasyong Duterte.
Hanggang kumilos ang kasalukuyang kalihim ng DENR at kinansela ang kasunduan sa mga kompanyang lumalabag sa pagku-quarry at pagmimina. Ang mga kompanyang kinansela ang MPSAs ay ang Rapid City Realty and Development Corp., Quarry Rock Group, Inc. at Quimson Limestone, Inc.
Ayon sa DENR, kinansela ang MPSAs ng mga kompanya dahil sa marami nilang paglabag.
Nararapat ang ginawa ng DENR sapagkat hindi isinasaalang-alang ng mga kompanya ang magiging masamang epekto ng kanilang walang patumanggang pagku-quarry na naglalagay sa tiyak na panganib nang maraming tao. Kapag ipinagpatuloy ang walang habas na pagku-quarry at pagmimina, masisira ang kabundukan, guguho ang lupa, at babaha ng putik at bato. Malilibing ang mga nakapaligid na barangay at maraming tao ang mamamatay. Ang mga bayan sa Rizal na apektado sa isinasagawang quarrying sa Upper Marikina watershed ay ang Baras at Tanay.
Ang order sa pagkansela ng MPSAs ng mga kompanyang nabanggit ay nilagdaan ni Environment Undersecretary Juan Miguel T. Cuna noong Dis. 19, 2022.
Nakahinga nang maluwag ang mga residente ng mga nasabing barangay sa aksiyon ng DENR. Hindi lamang ang kanilang kaligtasan ang naisalba kundi ang marami pang mamamayan sa Metro Manila na maaaring maapektuhan ng baha kung hindi naipatigil ang talamak na quarrying.
Halos ganito rin naman ang nararamdamang kasiyahan ng mga taga-Sibuyan, Romblon makaraang ipatigil ng DENR ang pagmimina sa kanilang lugar noong nakaraang linggo. Ayon sa DENR, ipinatigil ang operasyon ng ALTAI Philippines Mining Corp. dahil sa maraming paglabag ng mining company. Kabilang sa nilabag ay ang paggawa ng causeway na walang environmental clearance. Marami rin umanong pinutol na kahoy ang kompanya.
Harinawang marami pang aaksiyunan ang DENR na mga ginagawag paglabag ng quarrying at mining companies na sumisira sa kapaligiran at banta sa buhay ng mamamayan.