Tabako, ‘wag isama sa Senate Bill 1812!
ANG tabako ba ay pagkain? Tiyak ang sagot n’yo mga kosa ay hindi. Kaya maraming Pinoy ang nagtaas ng kilay nang isama sa listahan ng mga agricultural products sa Senate Bill 1812, na nag-aamyenda sa RA 10845 o ang “Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016”.
Ang pangunahin at mahalagang produkto ng agrikulturang binabanggit sa RA 10845 ay ang mga “asukal, mais, karneng baboy at manok, bawang, sibuyas, carrots, isda at iba pang hilaw na mga gulay, na dumadaan sa simpleng proseso ng paghahanda para lumapag sa merkado.” Ang mga pagkain na ito ay kinakailangan para sa kalusugan at kaligtasan ng mga Pinoy.
Ang paggamit ng tabako ay isang bisyo lamang at kasama sa alak ay nilapatan na ng “sin tax” ng gobyerno. Maling polisiya kung ang tabako o sigarilyo ay isasama bilang mahalagang produkto ng agrikultura na maka-aapekto sa seguridad ng pagkain sa bansa. Di naman natin kinakain ang tabako. Hindi ito kailan man matatawag na pagkain. Di rin ito mahalaga na isama sa ating mga hapag kainan. Mismooooo! Hehehe!
Ang tabako o sigarilyo nga ay kinokontrol ng pamahalaan dahil sa napatunayang siyentipikong mapaminsalang epekto nito. Ano pa nga ba? At higit sa lahat, may mga batas na rin at mga panuntunan para mabawasan ang tabako at maging ang paninigarilyo ng mga Pinoy, lalo na ng mga kabataan! Dipugaaaaa!
Kaya’t di na kailangan pa, at di rin naman mahalaga na amyendahan ang Republic Act 10845 para lamang maisama ang tabako, hilaw man o sigarilyo na ito, gaya ng sinasaad ng panukalang Senate Bill 1812. Ang purpose ng RA 10845 ay talaga namang tiyak at malinaw na isinasaad sa batas na ito.
Ang Section 2 nito halimbawa, ay nagsasaad na “patakaran ng bansa ang isulong na maging produktibo ang sektor ng agrikultura at proteksiyonan ang mga magsasaka sa mga ganid na mangangalakal at mga importer, na sa kanilang kagagawan, gaya na lamang sa bigas, halimbawa, ay naapektuhan ang produksiyon, pagkakaroon ng suplay at katatagan ng mga presyo, at ang seguridad ng pagkain ng Estado.”
Maling polisiya kung ang tabako o sigarilyo ay isasama bilang mahalagang produkto ng agrikultura na maka-aapekto sa seguridad ng pagkain sa bansa. Di naman natin kinakain ang tabako. Hindi ito kailan man matatawag na pagkain. Di rin ito mahalaga na isama sa ating mga hapag kainan. Tumpak! Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?
Ang mga pangunahin at mahahalagang pagkain sa RA 10845 ay may kaugnayan sa supply at demand at katatagan ng presyo. Ang tabako, sigarilyo at mga kagaya pang produkto nito ay hindi. Sapagkat ang presyo pa nga nito ay dinidikta ng pamahalaan para sa makukuhang buwis, at hindi dahil sa supply at demand.
Ang bigas, asukal, gulay at mga karne ay nagbibigay kalusugan sa ating mga Filipino. Ang tabako at sigarilyo ay pumapatay. Sa madaling sabi, ang tabako at sigarilyo ay nabibilang sa ibang tinatawag na “agricultural products” at di kailangang isali sa listahan ng agricultural products sa RA 10845. Makakagulo lamang ito sa talagang tinutumbok na layunin ng batas na ito. Abangan!
- Latest