EDITORYAL – Maghanda sa lindol

SA pinakahuling balita, umabot na sa 16,000 ang namatay sa lindol na tumama sa Turkey at Syria. Tumama ang lindol noong Lunes ng madaling araw na may magnitude 7.8. Sinasabing madadagdagan pa ang bilang ng mga namatay sapagkat marami pa ang hinahanap sa mga bumagsak na gusali at mga bahay.

Sa mga lumabas na video sa social media, nakita kung paano unti-unting bumagsak ang mga gusali. Parang itinulak lang ang mga ito. Nakakapanindig balahibo ang sigawan ng mga tao habang bumabagsak ang mga hotel at gusali.

Nakakadurog ng puso ang larawan ng mga bata habang nililigtas sa nakadagan na konkreto. Ang isang batang babae na nakuha sa guho na buhay su­balit may malaking sugat sa ulo. Isang ama naman ang hindi umaalis sa kinalibingan ng anak na babae. Hawak ng ama ang kamay ng anak. Umaasa ito na buhay pa ang anak.

Ang naganap na lindol sa Turkey at Syria ay maa­aring maganap sa Pilipinas. Hindi imposible sapagkat ang Pilipinas ay napaliligiran ng “ring of fire”. Anumang oras, puwedeng lumindol at maaring malakas. Noong nakaraang linggo lamang, lumindol sa Davao de Oro na may magnitude 6.0 at ikinasugat ng 16 katao.

Hindi naman malilimutan ang tumamang magnitude 7.6 na lindol sa Central at Northern Luzon noong Hulyo 16, 1990 na ikinamatay ng 1,600 katao at ikinawasak ng mga gusali at hotel. Maraming nawasak sa Baguio City tulad ng Hyatt Hotel.

Noong Agosto 2, 1968, tumama ang magnitude 7.6 na lindol sa Luzon na ikinawasak ng Ruby Tower sa Sta. Cruz, Maynila at ikinamatay ng 270 katao.

Nagbabala ang Philippine Institute on Volcanology and Seismology (Phivolcs) noong 2016 na posibleng tumama ang “Big One” hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa mga karatig lugar. Ayon sa Phivolcs, walang makapipigil sa paggalaw ng West Valley fault.

Noong 2013, nagbabala na ang Phivolcs na kapag tumama sa Metro Manila ang 7.2 magnitude na lindol, 37,000 katao ang mamamatay at ang pinsala ay aabot sa P2.4 trillion.

Maging handa ang mamamayan sa pagtama ng lindol. Ipag-utos ng pamahalaan sa mga awtoridad na magdaos ng regular na earthquake drill. Ihanda ang mamamayan. Imulat ang lahat sa kahalagahan ng paghahanda sa pagtama ng lindol. Bukod sa quake drill, magdaos din ng fire drill sapagkat ang kasunod ng lindol ay sunog.

Makiisa ang mamamayan sa mga isasagawang earthquake drill para nakahanda sa pagyanig. Huwag mag-panic.

 

Show comments