Guwardiya

INTSIK ang may-ari ng boarding house na inuupahan ni Jay sa Binondo. Mabait naman ito at hindi mahigpit sa pagbabayad. Kapag nakiusap siya na made-delay ang renta, pumapayag kaagad. ‘Yun nga lang, kailangang ang  pakiusap ay may kasamang eksaktong petsa kung kailan ka makakabayad. Kapag hindi mo natupad, magbalot-balot ka na. Pag-uwi mo ng boarding house, may kandado na ang iyong kuwarto kasama ang iyong mga gamit. Mababalikan lang iyon kapag binayaran na ang utang.

May panahong hindi nakapagbayad si Jay sa petsang ipinangako niya kaya nang umuwi siya sa boarding house, may kandado na ang kanyang kuwarto. Bodegero siya sa isang supermarket, at the same time nag-aaral ng engineering. Siya na lang ang boarder na natira sa bahay dahil noon ay gabi ng Miyerkules Santo. Lahat ng boarders ay nag-uwian sa probinsiya. Wala siyang nagawa kundi sa salas natulog. Plano niyang umuwi sa Bulacan sa bahay ng kanyang ate para makahiram ng pambayad sa bahay. Kinapos siya sa budget dahil nakasama sa pangmatrikula ang pambayad niya ng bahay. Inuna niya ang tuition dahil final exam na.

Ang kuwarto ng landlady nila ay nasa ikalawang palapag. Ang boarders ay nasa ground floor. May kanya-kanya sila ng susi ng main door ng boarding house. Bago mag-umaga ay aalis na siya para hindi siya makita ng landlady. Nahihiya siya. Magpapakita lang siya kung mayroon na siyang ibabayad.

Alas tres pa lang ng madaling araw ay naligo na siya para maagang makarating sa bus terminal na siguradong siksikan. Habang nagsasabon ng katawan, narinig niya ang tunog ng gate na tila may nagbukas. Sigurado siya na wala nang uuwi pang boarder. Sino ang pumasok? Dali-dali niyang tinapos ang paliligo. Hindi siya nagbukas ng ilaw sa salas para masilip niya ang labas ng bahay.

Nakita niyang may tao sa loob ng bakuran. Pasubok-subok itong naglalakad patungo sa main door nila. Sa kilos pa lang, halata na itong magnanakaw. Sa isang kisap mata ay may dalawang lalaki na parang naka-costume na hindi niya mawari, ang sumalubong sa magnanakaw. Sinuntok ng dalawang lalaki ang magnanakaw kaya’t kumaripas ito nang takbo palabas ng gate. Ang dalawang lalaki ay basta na lang naglaho. Para itong bulalakaw na  biglang sulpot, bigla rin ang paglaho.

Nasa bus na si Jay pero hindi niya makalimutan ang nangyari. Easter Sunday nang siya ay bumalik sa boarding house. May dala na siyang pera na pambayad sa bahay. Pagpasok niya ng bahay ay saka lang niya napansin ang nakadikit na poster sa labas ng pintuan. Larawan ito ng dalawang mandirigma na naka-costume noong panahon ng Chinese Dynasty.

Pagkaabot ng bayad sa Intsik na landlady, “Tita, para saan ang dalawang pictures ng Chinese warriors sa pintuan sa ibaba?”

“Sila sina General Qin Shubao at Yuchi Jingde, sa panahon ni Emperor Tang Taizong. Ang tawag sa kanila ay door gods dahil pinoprotektahan nila laban sa masasamang tao at evil spirit ang tahanang kinalalagyan ng kanilang portrait.”

Nangilabot si Jay. Hindi siya mapaniwalain sa ganoong bagay pero nakita ng dalawa niyang mata na nabuhay ang dalawang heneral na humabol sa magnanakaw. Hindi niya ipagsasabi. Baka siya pagtawanan.

              

Show comments