Paano kino-compute ang 14th month pay?
Dear Attorney,
Bukod po sa 13th month pay ay may 14th month pay rin po na ibibigay ngayong taon ang aming kompanya. Paano po ba kino-compute ang 14th month pay para masiguradong tama ang matatanggap ko? —Fred
Dear Fred,
Bagama’t may mga nagsusulong na magkaroon ng batas para sa pagbibigay ng 14th month pay sa mga empleyado, sa kasalukuyan ay hanggang 13th month pay lang ang ipinag-uutos ng batas. Kaya ang anumang higit pa na matatanggap ng empleyado ay maaring base lamang sa company policy, collective bargaining agreement (CBA), o sa mismong kontrata ng empleyado. Kung hindi man base sa mga nabanggit ay matatawag na “bonus” ang anumang matatanggap ng empleyado na higit sa 13th month pay na nire-require ng batas.
Kaya ang company policy ninyo, o ang CBA sa pagitan ng kompanya at ng mga empleyado, o ang employment contract mo ang iyong dapat pagbasehan upang malaman mo kung tama ba ang halaga ng 14th month pay na iyong matatanggap.
Kung hindi naman nakabase sa mga nabanggit ang pagbibigay ng 14th month pay ay ipagpasalamat mo na lamang kung anumang halaga ang iyong matatanggap. Masasabi kasing ang 14th month pay ninyo ay isang “bonus” na ibinigay sa inyo dahil lamang kabutihang loob ng inyong employer. Bilang isang bonus, hindi ito isang demandable na obligasyon mula sa employer kaya hindi maaring magreklamo ang empleyado kung kulang ito at kahit kung ito pa ay hindi maibigay.
- Latest