Lubid

SI Debbie Jester ay isang dalagang guro na nagtuturo sa isang mababang paaralan sa Manchester, New Hampshire. Umibig siya sa isang lalaking dayo lamang sa kanilang lugar. Pagkaraan ng anim na buwang pakikipagrelasyon sa lalaking hindi niya lubos na kakilala, si Debbie ay nabuntis. Tuwang-tuwa nitong ipinagtapat sa nobyo ang kanyang kalagayan. Isang araw pagkaraang malaman na buntis ang nobya, ang lalaki ay bigla na lang nawala na parang bula sa Manchester. Ayon sa landlady ng nobyo, bigla na lang daw itong nagpaalam at sinabing hindi babalik kailanman.

Gulung-gulo ang isipan ni Debbie. Isang malaking eskandalo ang kinakaharap niya. Ang nagpalala sa sitwasyon ay isa siyang guro na mataas ang pagkilala ng buong komunidad bilang modelo ng kagandahang asal.

Ang lola ni Debbie ay isang herbalist sa kanilang lugar. May malawak silang taniman ng iba’t ibang halamang gamot at ito ay kanilang ibinebenta. Lihim niyang kinuha ang kinasusulatan ng iba’t ibang formula ng gamot kasama na ang pampaagas. Nagtimpla siya ng pampaagas at ito ay ininom.

Sa ikatlong araw ng pag-inom ng pampaagas, tumalab ito kay Debbie. Nagsimulang humilab ang kanyang tiyan, nagtago sa kanilang toilet, tinanggal ang panty, umupo sa ibabaw ng medium size na timba. Huminga siya nang malalim. Iniipon niya ang hangin sa kanyang baga pababa sa kanyang tiyan. Tuloy-tuloy ang paghilab ng kanyang tiyan. Nang maramdaman niya ang matinding kirot, pinakawalan niya ang isang malalim na “ire”—ginagawa natin kapag taeng-tae na ngunit tinitibe---may naramdaman si Debbie na lumabas sa kanyang puwerta. Isang mahinang…plok!...ang kanyang narinig. Tumambad sa kanya ang “fetus”. Natulala siya. Napahagulgol. Guilt? Takot? Panghihinayang at awa sa kanyang “panganay”? Halo-halong damdamin. Basta, parang sasabog ang kanyang dibdib. Lakas loob niya itong ibinalot sa plastic saka muling ibinalot sa tela. Pupunta siya sa likod ng isang building sa school at doon niya ililibing ang fetus.

(Itutuloy)

Show comments