ISANG Venezuelan social media influencer ang gumawa ng kontrobersiya matapos siyang magpa-tattoo sa isang unggoy!
Nakilala ang tattoo enthusiast na si Funky Matas noong 2021 nang makatanggap siya ng Guinness World Record sa pagkakaroon ng mahigit sa 200 autograph tattoo sa kanyang likod.
Ngayong 2023, gumawa muli si Matas ng ingay nang mabalita sa buong South America na may unggoy siyang ipinasailalim sa training para matutong mag-tattoo.
Mababasa sa mga news report ng ilang Venezuelan news agencies, pumunta sa Mexico si Matas para doon magpa-tattoo. May nakilala siyang lalaki doon na may mga alagang unggoy at isang tattoo shop owner. Sa tulong ng dalawang monkey trainer, naturuan nila ang isang maliit na unggoy kung paano humawak ng tattoo machine sa loob lamang ng dalawang oras.
Ayon kay Matas, ang ipinalagay niyang tattoo sa kanyang binti ay ang logo ng NFT project niya na “The F8 Club”.
Nang kumalat ang tungkol dito sa social media, maraming netizens ang bumatikos kay Matas at inakusahan siya ng animal cruelty at pagpapapansin sa social media. Pero nilinaw niya na safe ang unggoy at wala namang nangyaring pananakit dito.
Sa tingin pa niya, nakatulong ang kanyang pagpapa-tattoo upang makita na may talino at kakayahan ang mga unggoy na gumawa ng art tulad ng tattoo.