EDITORYAL - Meron na namang Pinay na minaltrato sa Kuwait
HINDI pa man nakakakuha ng hustisya ang pinatay na si Jullebee Ranara, mayroon na namang Pinay na minaltrato ng amo sa Kuwait. Ikinulong umano ang Pinay sa kuwarto nito makaraang bugbugin ng among babae. Sa takot ng Pinay, tumalon ito sa bintana mula sa third floor. Naparalisa ang ibabang bahagi ng katawan ng Pinay dahil sa maling pagbagsak sa semento. Ayon sa ABS-CBN-Kuwait Bureau, ang 34-anyos na Pinay household worker ay taga-Cagayan at may dalawang anak. Kasalukuyan itong nasa ospital at inoobserbahan.
Sa interbyu sa Pinay, sinabi nitong tumalon siya sa bintana para matakasan ang pananakit ng kanyang babaing amo. Naganap umano ang pagtakas niya noong Enero 21, 2023. Ayon sa Pinay, makaraan umanong matapos ang kanyang mga gawain sa bahay, gumawa siya ng TikTok live sa kanyang kuwarto. Subalit biglang pumasok ang kanyang among babae at saka siya pinagsasampal at sinabunutan. Pagkatapos ay kinuha ang kanyang cell phone at tinanong siya kung saan pupunta. Sabi raw niya, nagpapahinga na siya at gumagawa ng TikTok. Pero hindi raw siya nito pinakinggan at sinipa sa likod at saka ikinandado ang pinto.
Dahil umano sa takot ng Pinay na patayin siya ng amo, ipinasya niyang tumakas sa pamamagitan ng pagtalon sa bintana. Bumagsak siya at tumama ang gulugod sa semento. Dinala siya sa ospital nang nakakita sa pangyayari.
Nang malaman ng Philippine Embassy sa Kuwait ang nangyari sa Pinay, binigyan ito ng abogado. Wala pang update ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers and Welfare Administration (OWWA) ukol dito.
Noong Linggo, inilibing na si Jullebee Ranara. Pinatay siya ng 17-anyos na anak na lalaki ng kanyang employer noong Enero 21, 2023. Natagpuan ang kanyang sunog na bangkay sa isang disyerto sa Kuwait noong Enero 22. Nang awtopsiyahin ang bangkay, nakita ang basag sa kanyang bungo. Naaresto na ang killer ni Ranara. Sabi ni DMW Secretary Susan Ople, hindi titigil ang pamahalaan hangga’t hindi napaparusahan ang pumatay kay Ranara. Nangako umano ang pamahalaan ng Kuwait nang mabilis na hustisya sa pagpatay sa Pinay worker.
Maraming humihiling na itigil ang pagpapadala ng OFWs sa Kuwait dahil sa paulit-ulit na pang-aabuso at pagmamaltrato sa Pinay workers. Pero sabi ng DMW secretary, hindi kailangan ang deployment ban sa Kuwait sapagkat gumagalaw naman daw ang hustisya. Marami raw OFW ang mawawalan ng trabaho.
Ngayong may minaltrato na naman at naparalisa ang katawan, hindi pa ba ititigil ang pagpapadala ng household workers sa Kuwait? Kailangan pa bang dumami muna ang mga inabuso bago iutos ang deployment ban?
- Latest