EDITORYAL - Kasuhan at ikulong ang agri smugglers

SA report ng Bureau of Customs (BoC), may 30 agricultural smugglers ang namamayagpag. Sa ulat naman ng Department of Agriculture (DA), 20 ang agri smugglers. Alin kaya ang totoo?

Ganunman, sinabi ng DA noong nakaraang linggo na dalawang importers na ang sinampahan nila ng 20 counts ng large-scale agricultural smuggling. Ayon sa DA, sinampahan nila ng kaso ang Victory JM Enterprise at Asterzenmed Inc. dahil sa paglabag sa Food Safety Act of 2013 (Republic Act 10611) at Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 (RA 10845). Ayon sa DA, pinagbasehan ng pagsasampa ng kaso sa dalawang importers ang nakumpiskang agricultural goods na nagkakahalaga ng P397.97 milyon.

Ayon kay DA Assistant Secretary James Layug nakatanggap sila ng derogatory information na 57 shipping containers—37 nito ay naka-consigned sa Asterzenmed Inc. at 20 sa Victory JM Enterprise—hinihinalang may laman na smuggled agricultural products. Nang buksan ang 12 shipping containers ng Asterzenmed Inc. at Victory JM Enterprise noong Dis. 15, 2022, nakita ang mga pula at puting sibuyas, frozen mackerel, frozen buffalo meat at frozen round scad na nagkakahalaga ng P73.9 milyon. Galing Hong Kong at China ang mga containers. Noong Disyembre 19, 20, 21 at Enero 6 at 9, 2023 muling nakasabat ng agri­cultural products sa mga containers ng Asterzenmed Inc. at Victory JM Enterprise. Sa kabuuan, P397.97 mil­yon ang halaga ng mga smuggled agri products.

Malaking karangalan sa DA ang pagkakasabat­ sa sandamukal na smuggled agri products sa Asterzenmed at Victory. Pero kung tutuusin maliit pa ang mga ito. Pawang “dilis” ang mga ito kumpara sa ibang agri smugglers na ayon sa Bureau of Customs (BoC) ay may total na 30.

Nakapagtataka rin kung bakit hindi pinapanga­lanan ang mga may-ari ng kompanya o consignees. Sana pangalanan para naman lubos na masiyahan ang mamamayan na matagal nang nagngingitngit sa mga dupang na smugglers. Agaran din silang kasuhan gaya ng ginawa ng DA sa Asterzenmed at Victory.

Kung masasampahan ng kaso ang mga nanana­botahe sa ekonomiya, makakahinga na rin nang ma­luwag ang mga lokal na magsasaka na unti-unting pinapatay ng agri smugglers. Sana rin, hindi maiimpluwensiya ang agri smugglers na mabilis makakalusot sa kuko ng batas.

Show comments