MABIGAT ang problema sa air at plastic pollution. Sa air pollution, delikado ang kalusugan ng mamamayan sapagkat lason ang kanilang nalalanghap. Sa plastic pollution, pinarurumi ang karagatan at iba pang pinagkukunan ng tubig at apektado rin ang climate change.
Sa kasagsagan ng pandemya noong 2020 hanggang 2021, bumaba ang lebel ng air pollution sa Metro Manila at iba pang kalapit lungsod. Nabawasan ang air pollution dahil walang yumayaot na mga pampublikong sasakyan—bus, dyipni at taxi. Maraming pabrika rin ang natigil ang operasyon.
Pero ngayong nagbabalik na sa normal ang buhay dahil sa unti-unting pagbaba ng kaso ng COVID-19, nagbabalik na rin sa dati ang malubhang kalagayan ng hangin sa Metro Manila. Lalong lumala ang problema sa air pollution. Sa kasalukuyan, hindi na matanaw ang Sierra Madre dahil sa makapal na usok na nakabalot sa Metro Manila. Ang usok na ito ay may taglay na nitrogen dioxide (NO2) at PM2.5. Ang dalawang pollutants na ito ang dahilan ng severe cardiovascular at respiratory health illnesses. Sa pag-aaral, ang exposure sa pollutants na ito ay nagpapahina sa natural na depensa ng katawan laban sa COVID-19.
Sa plastic pollution, ang paghihigpit sa paggamit ng plastic ay nararapat ipatupad. Dati, mayroong kautusan ang bawat lungsod na bawal ang paggamit ng anumang plastic—kutsara, tinidor, tray, sa mga restaurant. Pero ngayon, tila balik na sa dating gawi. Marami nang basurang plastic ang nakokolekta sa mga fastfood chain. Patuloy pa rin ang paggamit sa single-use plastic. Ang mga plastic materials na ito ang humahantong sa mga estero, sapa, ilog at deretso sa dagat. Mapo-pollute ang karagatan. Namamatay ang mga isda. Ang mga whale shark, napagkakamalang pagkain ang mga plastic na kanilang ikinamamatay.
Sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 2022 na tututukan ng kanyang administrasyon ang problema sa plastic pollution kung saan pangtatlo ang Pilipinas sa mga bansang nagtatapon ng plastic sa karagatan. Aniya, lilinisin ang mga kalat at sosolusyunan ang plastic pollution. Mukhang nalimutan niya ito. Atasan niya ang Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa air pollution, ipatupad na lahat nang mga lumang sasakyan ay bawal nang yumaot sapagkat ang mga ito ang nagbubuga nang nakamamatay na usok. Ituloy ng DENR ang kampanya sa smoke belching. Ipatupad ang Clean Air Act of 1999.