ISANG food vlogger sa China ang pinagmulta ng 125,000 Yuan (katumbas ng P1 milyon) matapos siyang mag-post ng video sa social media na nagluto at kumain ito ng great white shark.
Ang great white shark ay isang endangered specie na protektado ng gobyerno ng China at bawal itong hulihin, ibenta at kainin.
Mapapanood sa pinost na video ng food vlogger na inorder niya ang anim na talampakang pating sa isang online seller sa Taobao. Pinakita rin sa video na dalawang klase ng luto ang ginawa niya sa pating, una ay inahaw niya ito at ang kalahati naman ay ginisa niya sa isang malaking wok at binudburan ng chili powder. Sa huling bahagi ng video ay ipinakita niya kung paano niya kinain ang pating, mukbang style.
Marami sa nakapanood ng video ay binatikos ang vlogger. Dahil dito, ni-report siya ng mga ito sa awtoridad at agad na may dumating na mga pulis sa tahanan nito para mag-imbestiga.
Sa pamamagitan ng mga natagpuang tira-tirang bahagi ng pating, nakumpirma sa DNA sampling na isang great white shark ang kinain ng vlogger. Dito napatunayan na lumabag ito sa Wild Animal Protection Law.
Pinagmulta ang vlogger at pinagmulta rin ang online seller na nagbenta sa kanya ng pating.