Pacific Ocean ­maglalaho, bagong kontinente lilitaw

SA kasalukuyan, kabilang sa itinuturing na pitong kontinente sa mundo ang Asia, Africa, North America, South America, Antarctica, Europe at Australia. Siyempre pa, matatagpuan sa Asia ang Pilipinas na sa kanlurang bahagi nito ay hangganan na ng Pacific Ocean na sinasabing siyang pinakamalaki at pinakamalalim sa limang division ng karagatan sa mundo.

Pero lumalabas sa isang pag-aaral ng isang grupo ng mga scientist sa Curtin University sa Australia na sa malayong hinaharap o sa loob ng tinatayang  200 o 300 milyong taon ay magsasara ang Pacific Ocean at magdidikit ang Asya at ang Americas na magbubunga sa pagbubuo ng bagong pinakamalaking kontinente na tatawaging Amasia.

Sinasabi pa ng mga eksperto sa Australia na dahan-dahan at patuloy na lumiliit ang Pacific Ocean nang isang pulgada (inch) kada taon. Bunga nito, itinutulak nang pakanluran ang mga tectonic plates na kinalalagyan ng kalupaan ng Americas. Sa paggamit ng supercomputer simulations, kinalkula ng naturang mga scientist na isang bagong supercontinent ang mabubuo at ito nga ang Amasia. Maglalaho ang nakikilala ngayon na mga kontinente at karagatan.

Isinaad ng mga scientist sa National Science Review na napaulat sa Independent noong nakaraang taon na ang mga kilalang supercontinent sa mundo ay pinaniniwalaang nabuo sa iba’t ibang paraan. Hindi anila malinaw ang sanhi ng mga pagbabagong ito sa mga malala­king kontinente. Nabanggit sa 2012 report ng Science na lumilitaw sa geological record na, sa nagdaang dalawang bilyong taon, nagkaroon na ng tatlong supercontinent.

Ang pinakamatandang supercontinent na pinangalanang Nina ay lumitaw may 1.8 bilyong taon na ang nakararaan. Ang sumunod, ang Rodina, ay lumitaw may 1 bilyong taon na ang nagdaan. At ang pinakahuli ay ang Pangaea na umusbong may 300 milyong taon na ang nakalilipas.

Sabi ni Chuan Huang ng Earth Dynamics Research Group ng Curtin na siya ring lead author ng pag-aaral, “Sa nakalipas na dalawang bilyong taon, nagbanggaan ang mga kontinente sa Daigdig noong sinaunang panahon para bumuo tuwing ika-600 milyong taon ng isang supercontinent na tinatawag na supercontinent cycle. Ibig sabihin nito, ang kasalukuyang mga kontinente ay magdidikitan sa loob ng daang milyong taon.”

Idinagdag niya na ang magbubungang bagong supercontinent ay pinangalanang Amasia dahil merong paniniwala na magsasara ang Pacific Ocean kapag nagdugtong ang America sa Asia. Inaasahan ang papel ng Australia sa mahalagang kaganapang ito sa Daigdig, una ay didikit ito sa Asia  bago pagdudugtungin ang America at Asia kapag nagsara ang Pacific Ocean.”

Sinabi pa niya na, sa “simulation” kung paanong inaasahan ang mga pagbabago sa mga tectonic plates ng Daigdig gamit ang isang supercomputer,  naipakita nila, na sa loob ng hindi kukulangin na 300 milyong taon, maglalaho ang Pacific Ocean na magbibigay daan sa pormasyon ng Amasia.

Hindi nga lang malinaw kung ano ang magiging epekto nito sa buhay ng mga tao sa maaapektuhang mga kontinente kung sakaling magsara ang dagat Pasipiko at lumitaw ang Amasia continent. Pero, marahil, sobrang tagal pa bago iyon mangyari na hindi pa marahil dapat ikabahala ng henerasyon natin sa kasalukuyan.

• • • • • •

Email: rmb2012x@gmail.com

 

 

 

Show comments