ISANG high school sa Wilbraham, Massachusetts ang patuloy na lumolobo ang electric bill dahil hindi nila mapatay ang 7,000 na bumbilya sa buong paaralan!
Simula pa noong Agosto 2021, hindi na maisara ng mga taga-Minnechaug Regional High School ang kanilang smart light system dahil sa software failure. Dahil dito, 24 hours and 7 days a week na nakabukas ang mga ilaw sa buong school sa loob ng 17 months.
Noong 2012, nilagyan ng smart light system ang buong campus upang makatipid sa kuryente. Ngunit hindi pinalagyan ng physical light switch ang mga ito at ang tanging may control sa pag-on at off ng mga ilaw ay ang computer software.
Nang magkaroon ng software failure ang mga ilaw, walang naitulong ang mga nag-install nito dahil iba na ang management at may-ari ng kompanya. Wala nang access ang bagong management sa software na ginamit sa paaralan. Ang tanging paraan na lang ay palitan ang hardware nito.
Ngunit kasagsagan ng pandemic noong 2021 at mahirap humagilap ng spare parts sa China kaya natengga ang pagpapalit ng hardware ng smart lights.
Pagsapit ng Enero 2023, maraming residente ng Wilbraham ang kumukuwestiyon na ngayon sa nasasayang na taxpayers’ money dahil sa electric bill ng paaralan. Dahil dito, umaksyon na ang mga awtoridad at pinangako nila na sa Pebrero ay maaayos na ang mga ilaw sa paaralan.