Dear Attorney,
Maari ko bang ireklamo ang nag-post sa Facebook ng mga paninira laban sa akin? Hindi naman po binanggit ang pangalan ko ngunit malinaw namang tungkol sa akin ang post niya. —Karen
Dear Karen,
Ang isa sa mga elemento ng libel ay dapat na tukoy o maaring matukoy ang pinatutungkulan ng mapanirang post o artikulo. Bagama’t hindi namang kailangan na tahasang nabanggit ang pangalan ng biktima ng libelous na post, kailangan pa rin na maaring matukoy ng mga nagbabasa na ukol nga sa kanya ang paninira. Sapat na na ang post ay naglalaman ng mga deskripsyon o mga detalye na tutukoy sa kung para kanino ang mga paninira (Borjal v. Court of Appeals, G.R. No. 126466, January 14, 1999). Ayon sa kaso ng Kunkle v. Cablenews-American and Lyons [42 Phil. 757 (1922)], masasabing tukoy ang pinatutungkulan ng isang mapanirang post o artikulo kung makikilala ng ibang tao kung para kanino ito.
Kaya sa sitwasyon mo ay tingnan mo kung bukod ba sa iyo ay matutukoy rin ba ng ibang tao na tungkol nga sa iyo ang sinasabi mong mapanirang post. Kung sa ibang tao ay hindi malinaw kung para kanino ang paninira ay hindi masasabing libelous ang post. Hindi kasi puwedeng ikaw lang ang nakakaintindi na para sa iyo ang post dahil para masabing may libel, kailangang naipaalam sa ibang tao ang paninira at kung sino ang pinatutungkulan nito bukod sa mismong tao na siyang paksa ng mapanirang post o article.