Importasyon ng sibuyas tuloy na: presyo bumaba na kaya?
TULOY na ang importasyon ng sibuyas, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Mahigit sa 21,000 metrikong tonelada ng puti at pulang sibuyas ang inaprubahang angkatin ng bansa.
Ang importasyon ay dapat na makarating sa Pinas hanggang sa Enero 27 para masiguro na mabibigyan naman ng proteksyon ang mga local farmers sa nalalapit na anihan sa darating na Pebrero hanggang sa Mayo kung saan dadagsa ang suplay nito.
Inaasahan na sa pagpasok ng mga imported na sibuyas ngayong buwan, maaaring bumaba na ang presyo nito.
Gaya nga ng sigaw ng marami, literal na nakakaiyak ang sibuyas dahil sa sobrang taas ng presyo nito na tila ngayon lang nangyari.
Ikinatuwiran noong nakalipas na taon na ang pagtaas ay dahil sa mataas na demand noong holiday season.
Tapos na ang mga selebrasyon, pero hindi pa tapos ang pahirap na presyo ng sibuyas.
Katuwiran ng ilang supplier at vendors mahal pa rin ang kuha nila. Ang ibinebenta pa rin umano nila sa kasalukuyan ay ang kanilang stock na nabili nila sa mataas na presyo.
Mukhang nagkakalokohan na rito, hindi na nauubos ang stock ng mga ito.
Pero may ilang obserbasyon na nagsasabi marahil ng totoo ang mga ito. Kasi nga kakaimbak kung saan hinihintay pa ang mas mataas na presyo bago nila ilabas, ayun nagkaugat na ang mga sibuyas sa kanilang mga imbakan.
Ayan, may ilan kasi gustong manggulang sa kapwa, ayan ang napapala.
Kulang kasi sa tuktok ang mga kinauukulan, kaya marami ang nasasangkot sa hoarding.
Tagu nang tago at ilalabas lamang kapag todo na ang presyo sa pamilihan.
Kaya nga may katwiran si Senator Sherwin Gatchalian na nagrekomenda nang pagbuo ng isang task force na siyang tutugis at tututok sa mga smuggler at hoarder ng mga produktong agrikulutura partikular nga sa sibuyas na ‘ginto’ ang presyo.
Dapat kasi may nasasampolan sa mga abusado, sa kasalukuyan kasi, parang sila ang naghahari at ang gusto nila ang siyang nagyayari.
Tapos kulang pa sa tutok ang mga kinauukulan kaya marami ang nagsasamantala,
Nakapagtataka rin na hanggang sa ngayon eh tila walang liwanag kung ano ba talaga ang naging dahilan kung bakit tumaas nang sobra-sobra ang presyo ng sibuyas.
Baka nga may kartel pa dyan at nagmamanipula kaya nagkakaganito ang presyo.
- Latest