MAY mga opisyal at tauhan ng Philippine National Police (PNP) na sangkot sa illegal drug trade. Ilan sa kanila ay heneral. At ito ang dinadalang problema ngayon ni Interior secretary Benhur Abalos. Sa loob ng anim na buwan niya sa puwesto, nakita niya kung gaano kabigat ang problema sa illegal na droga na lalo pang bumigat dahil may mga police officials na sangkot. Sa halip na mapuksa ang droga, lalong lumala. At isa sa naisip niyang paraan para malutas ang problema ay ang pagbitiwin sa puwesto ang mga may ranggong colonel at general. Hiniling niya na maghain ng courtesy resignation ang may 300 colonels at generals sa PNP.
Isa sa nag-trigger kay Abalos para isakatuparan ang balak ay nang makahuli ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng isang pulis mula sa drug enforcement unit ng Manila Police District noong nakaraang Oktubre ng halos 1-toneladang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P1 bilyong piso. Nakilala ang pulis na si MSgt. Rodolfo Mayo. Nahuli siya sa Maynila habang sakay ng kanyang SUV at nasa loob nito ang shabu. Umano’y ninja cop si Mayo na itinapon sa Mindanao noong 2017 pero nakabalik sa PDEG makaraang arburin ng isang police general. Kinumpirma naman ito ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. Ganunman, ayaw nitong pangalanan ang police general.
Sunod na nag-trigger kay Abalos ay ang pagkakahuli sa isang PDEA official at dalawang agent nito sa Taguig City noong nakaraang Disyembre. Nahuli ang tatlo sa mismong PDEA office nang isagawa ang buy-bust operation. Isang kilong shabu na nagkakahalaga ng milyong piso ang nakumpiska.
Sa panawagan ni Abalos na magbitiw ang mga heneral at colonel, unang nagsumite ng resignation si General Azurin at nanawagan siya sa iba pang opisyal na magbitiw na rin. Wala raw dapat ipag-alala o ikatakot ang mga opisyal lalo na kung wala namang ginagawang masama. May mga komite umano na hahawak para sa evaluation at assessment. Makabubuti raw sa PNP ang panawagang courtesy resignation para sa internal cleansing.
May mga sumunod kay Azurin at nagsumite na rin ng resignation subalit marami rin umano ang ayaw sumunod sa panawagan. Personal at career ang dinadahilan ng mga ayaw magbitiw. Ang iba, sinabing wala ito sa batas ng PNP.
Malaki ang problema ni Abalos sa nangyayaring ito. Dahil hindi lahat ay susunod, maaaring mawalan ng saysay ang kanyang balak na lusawin sa PNP ang mga sangkot sa illegal drugs. Kung hindi magkakaroon ng katuparan, humanap siya ng ibang paraan kung paano madidiin ang “droga cops”. Kailangan ay mabigat na ebidensiya ang ihahain sa kanila. Maraming magagawa si Abalos.