ANG rubber eraser na Radar S-10000 ay may sukat na 276 x 141 x 43 millimeters at may bigat na 2.2 kilograms. Sa sukat at bigat nito, ito ang pinakamalaking pambura na puwedeng mabili sa merkado.
Ginawa ito ng Seed, ang pinakamatandang Japanese eraser manufacturing company na itinatag noong 1915. Ang pinakapopular nilang produkto na Radar ay inilunsad noong 1968. Nakilala ang Radar dahil sa smooth texture at flawless erasing performance nito. Mas mabenta ito kahit mas mahal ito ng 10 yen kumpara sa ibang brand ng pambura.
Dahil sa pagtangkilik sa Radar, naglabas ang Seed ng iba’t ibang variant at isa na rito ang napakalaking Radar S-10000.
Maraming Hapones ang nagtataka kung bakit naglabas nang malaking variant ang kompanya. Sa panayam sa product development department ng Seed, ginawa nila ang dambuhalang eraser bilang papremyo sa contest ng kompanya.
Ang pinakaunang Radar S-10000 ay limited edition at pamigay lamang bilang premyo sa taunan nilang patimpalak na “Eraser Quick Eraser Contest”. Pero dahil maraming customer nila ang nag-request na gusto rin nilang magkaroon ng higanteng pambura, nagpasya ang kompanya na commercially available para sa lahat.
Ilang taon ng produkto ng Seed ang Radar S-10000 pero naging usap-usapan ito kamakailan sa social media matapos may mag-post ng litrato nito sa Twitter. Maraming naintriga sa produkto at na-soldout ito matapos maging viral. Nagpasalamat ang Seed sa Japanese netizens na nagbigay pansin sa kanilang weird na produkto.
Sa kasalukuyan, mabibili lamang sa Japan ang Radar S-10000 at nagkakahalaga ito ng 13,200 yen (katumbas ng P5,469.)