Dear Attorney,
Binili ko po ang lote na pagmamay-ari ng aking kaibigan. Nadiskubre ko po kamakailan lang na iba pala ang loteng tinutukoy sa Deed of Sale sa mismong lote na napagkasunduan namin ng aking kaibigan na bibilhin ko sa kanya. Ano po ba ang maari kong gawin upang maitama ang maling nakalagay na lote sa Deed of Sale? —Bernard
Dear Bernard,
Walang problema kung aminado rin ang kaibigan mo na nagkamali lang kayo sa loteng tinutukoy sa Deed of Sale ng pinirmahan ninyo. Kailangan n’yo lang palitan ng tama ang maling lote na nakasaad sa inyong Deed of Sale. Pipirmahan n’yo lang dalawa ang pagbabagong ito at ipapa-notaryo muli ang dokumentong nagsasaad na ng tamang lote kung notaryado ang naunang Deed of Sale na may maling lote.
Ang mahirap ay kung itanggi ng kaibigan mo na mali ang tinutukoy na lote sa Deed of Sale at ipilit niya na tama ang nakasaad na property sa kontrata na inyong pinirmahan. Sa ganoong pagkakataon ay kakailanganin mo nang magsampa ng kaso para sa reformation of instrument.
Isinasampa lamang ang action for reformation of instrument kung valid ang kontrata ngunit hindi tugma ang nakasulat sa kontrata. Ito ang kasong maari mong isampa kung sigurado ka na naging malinaw sa inyong dalawa at hindi lamang sa iyo sa kung ano ang loteng binibili mo at nagkamali lamang kayo ng nailagay sa instrumentong naglamaman ng inyong kasunduan. Kailangan mo nga lang magpresenta ng ebidensiyang nagpapatunay na ang loteng sinasabi mo ang napagkasunduan n’yo sa bentahan at hindi ang loteng nakasaad sa kontrata.
Paalala lamang na ang action for reformation of instrument ang isinasampa upang itama lamang ang maling nakasulat sa kontrata base sa inyong napagkasunduan. Hindi ito ang isasampa mo kung ang gusto mong baguhin ay ang kontrata mismo o ang mga bagay na inyo mismong napagkasunduan. Kung wala naman pala talaga kayong napagkasunduan o kung hindi malinaw kung ano mismo ang inyong napagkasunduan o hindi kaya’y napilitan lamang ang isa sa mga partido sa pagpirma sa kontrata ay annulment of contract ang kasong dapat mong isampa upang mapawalang bisa na ng tuluyan ang kontrata.