Matindi ang nangyaring aberya sa NAIA na nagsimula pa nga sa mismong unang araw ng taong 2023 noong Linggo.
Natiyempo pa sa inaasahang muling pagdagsa ng mga pasahero matapos ang holiday season.
Habang sinusulat ang kolum na ito, hindi pa rin masasabing nakabalik na sa normal na operasyon sa paliparan at walang katiyakan kung hanggang kailan tatagal.
Ang totoo, hindi lang mismong NAIA ang naapektuhan nito kundi maging ang ilan pang paliparan sa bansa.
Maraming mga flights ang nakansela sa nangyaring pagsasara ng airspace ng Pilipinas noong Linggo.
Aabot sa 56,000 pasahero ang na-stress nang husto dahil sa pangyayari.
At ayan na nga, naglatag na nang imbestigasyon ukol dito ang Senado.
Nais ng ilang senador na madetermina kung sino ang dapat na managot at kung ano ang mga dapat na gawin para di na maulit ang ganitong pangyayari.
Sa paunang ulat, technical glitch at power outaged ang sinasabing dahilan sa aberya na dito naman sesentro ang magiging imbestigasyon ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Nais ni Senator Grace Poe na mabusisi nang husto ang pangyayari na ikinonsidera niyang national security ito at dapat na may accountability at transparency mula sa CAAP.
Buhay nga naman ang nakasalalay sa kanilang efficiency at competent.
Talagang marami ang naapektuhan hindi lamang ang mga paalis na pasahero maging ang mga lalapag sa naturang paliparan.
Kaya nga hindi na ito dapat pang tumagal at kailangan na masolusyunan.
Nakakalungot na matapos ang masayang pagdiriwang sa bagong taon, ayun kalbaryo ang nangyari sa biyahe ng marami na sumalubong sa unang araw ng bagongtaon.
Dapat na maasikaso muna ang mga aapektuhang pasahero.
Maging ang industriya ng turismo na halos ngayon pa lamang nakakabangon eh malamang na maapektuhan din nito.
Marapat muna na maresolba ang naging aberya, bago paharapin ang mga kinauukulan sa anumang uri ng imbestigasyon.