MASIDHI ang paalala ng Department of Health (DOH) sa mamamayan na huwag magpaputok upang makaiwas sa disgrasya. Maigting ang kanilang kampanya para umiwas ang mamamayan sa mapanganib na paputok. Kabilang dito ang pagpapakita ng mga kagamitan para sa mga nabiktima ng paputok kabilang ang lagari para ipamputol sa bahagi ng katawan na nasabugan. Mayroon ding iba pang mga matatalas na gamit na makaka-discourage sa makakakita at hindi na gugustuhin pang masugatan sa pagpaputok.
Pero sa kabila ng kampanya at mga paalala, marami pa rin ang nagpapaputok. Wala pa ring kadala-dala. Kahit bawal ang pagpapaputok, marami pa rin ang hindi sumusunod sa batas.
Kahapon, ayon sa TV report, dagsa ang maraming tao sa Bocaue, Bulacan para bumili ng paputok. Ang iba, madaling araw pa pumila na para makabili. Mas nakakamura raw ang pagbili sa Bocaue. Ayon sa mga bumibili ng paputok, nakaugalian na raw nilang magpaputok sa New Year. Hindi raw kumpleto ang New Year kung walang paputok kaya pinagsisikapan nilang makabili nito kahit pa nga malayo ang Bocaue.
Ayon sa DOH, 25 katao na ang nasabugan dahil sa paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok. Ayon kay DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na limang katao ang nagtamo ng pinsala dahil sa paggamit ng paputok noong Disyembre 26 hanggang 27. Umabot na umano sa 25 ang nasugatan. Noong nakaraang taon daw sa kaparehong period, 22 ang naputukan. Ang mga kaso ngayon ay 14 percent na mas mataas kaysa noong nakaraang taon.
Marami pa rin ang hindi natututo at nagkakaroon ng leksiyon. Sa kabila na marami nang naputulan ng daliri at kamay, nabulag, nasunog ang katawan dahil sa paggamit ng paputok, wala pa ring kadala-dala. Patuloy pa rin ang paggamit ng mga pinagbabawal na paputok at tila wala nang pag-iingat sa sarili. Basta masunod ang tradisyon, sige pa rin sa pagpapaputok.
Hindi lamang ang pagkapinsala sa katawan ang dulot ng pagpapaputok kundi ito rin ang pinagmumulan ng sunog. Dahil sa mga pinakakawalang kuwitis na bumabagsak sa mga bubong ng bahay, dito nagsisimula ang sunog.
Higpitan pa ng PNP ang pag-iinspeksiyon sa mga tindahan ng paputok at baka mayroong nakatago na kabilang sa mga pinagbabawal. Kumpiskahin ang mga ito. Siguruhin lang na hindi naman ire-recyle ng mga pulis ang nakumpiskang mga paputok.
Paalala sa mga magulang, bantayan ang kanilang mga anak upang hindi mapahamak sa paputok. Salubungin ang New Year na buo ang mga daliri.