PAGKATAPOS ng dalawang taong pandemya, napakasarap salubungin ng 2023 na ayon sa Chinese calendar ay Year of the Rabbit. Isang suwerteng taon daw ang 2023 dahil ang rabbit ang itinuturing na pinakasuwerte sa 12 hayop sa Chinese zodiac.
Hindi ako naniniwala sa Chinese zodiac, pero sana nga ay totoo na ang 2023 ay isang suwerteng taon. Sa totoo lang, kailangan natin ang sinasabing mga katangian ng rabbit upang mapagtagumpayan ang kinatatakutang pandaigdigang inflation at krisis sa pagkain. Ang mga katangiang ito’y ang pagiging matiyaga, kalmado, mahinahon, tahimik, at palakaibigan, na magbubunga ng isang pinagpalang buhay.
Ang pinagpalang buhay ay resulta ng pagsisikap ng tao na kinatigan ng Diyos. Ayon sa ating salawikain, “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.” Ang swerte ay basta na lang nangyayari kahit walang katumbas na gawa’t pagsisikap. Malaking problema natin ang pangingibabaw ng “Swerte Culture,” inaasa ang mabuting kapalaran sa swerte, kung kaya’t napakalakas ng gayuma ng mga games of chance na tulad ng jueteng, lotto, poker, blackjack, dice, roulette, slot, at bingo.
Malaking puhunan sa tagumpay ang pagiging matiyaga. Ang katiyagaan ay ang pagpapatuloy at hindi pagsuko kahit napakaraming kabiguan ang naranasan. Isang matandang kasabihan ang totoo sa lahat ng panahon, “Magsikap at magsikap hanggang sa ikaw ay magtagumpay.” Sa Ingles, “Try and try again until you succeed.” Bago naimbento ni Thomas Edison ang bombilya, nabigo siya ng sampung libong beses sa kanyang mga eksperimento. Sa isang interbyu, sinabi niya na hindi siya nabigo ng sampung libong beses, kundi natuklasan niya ang sampung libong bagay na hindi uubra. Ganyang uri ng katiyagaan ang kailangan natin para pagtagumpayan ang mahihirap na hamon ng 2023.
Dahil sa climate change, may prediksyon na higit na mapaminsalang mga bagyo at baha ang mararanasan ng Pilipinas na isa sa mga bansang lubos na maaapektuhan ng climate change. Kung mangyayari man ang mga ito, kailangang manatili tayong kalmado at mahinahon. Sa panahon ng kalamidad, marami ang napapahamak dahil sa pagpapanik. Mahalagang manatili tayong handa at alerto, seryosohin ang pagkuha ng kaalaman at kasanayan sa disaster preparedness and mitigation, sapagkat ito ang magbibigay sa atin ng kumpiyansya na hindi magpanic.
Ang pagiging tahimik ay nangangahulugan ng pagiging palamasid at pakikinig. Mas mainam na mas madalas makinig kaysa magsalita, kaya naman nilikha tayo na may dalawang taynga, ngunit iisang bibig lamang. Makakapakinig lamang tayo kung tayo’y mananahimik. Makinig tayo sa sinasabi ng mga otoridad at sa sinasabi ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Salita.
Sinabi ni Presidente Bongbong Marcos na ang foreign policy ng Pilipinas ay mananatiling, “Friend to all, enemy to none.” Maaari rin natin itong gawing personal na patakaran na “maging kaibigan ng lahat at walang kaaway na sinuman” nang hindi naman pinawawalang-halaga ang hustisya at katotohanan. Mahirap gawin, ngunit hindi imposible!
Bawat taon ay “Year of the Lord” sapagkat nasa ilalim ng kapangyarihan ni Hesus ang lahat ng bagay. Wika sa Colosas 1:17, “Siya ang una sa lahat, at ang buong sansinukob ay nananatiling nasa kaayusan sa pamamagitan niya.” Gayunman, gawin nating Year of the Rabbit ang 2023 sa pamamagitan ng pagsasabuhay sa magagandang katangian ng rabbit.