EDITORYAL - Malalagim na aksidente sa kalsada dahil sa kalasingan
MARAMING nangyaring aksidente sa kalsada ngayong Disyembre. Karamihan ay dahil sa pagmamaneho nang lasing. Maraming bumabangga at nananagasang sasakyan na naging dahilan nang malagim na kamatayan hindi lamang ng mismong lasing na drayber kundi pati ang mga maiingat na motorista. Nandamay pa makaraang malango sa alak at droga.
Halimbawa nito ay ang malagim na aksidente sa Calamba, Laguna noong gabi ng Disyembre 16, kung saan anim ang namatay. Ayon sa mga nakasaksi, mabilis ang takbo ng pick-up truck nang makasalubong ang isang motorsiklo sa Bgy. Paciano. Iniwasan ng pick-up ang motorsiklo subalit natumbok ang barriers sa kalsada. Ilang beses bumaliktad ang pick-up at naipit sa loob ang mga sakay. Dalawa ang namatay on the spot at apat nasa ospital sa Calamba. Ayon sa mga pulis, maaaring lasing ang driver sapagkat sobrang bilis umano ng takbo.
Noong Sabado (Disyembre 24) ng madaling araw, tatlo ang patay nang isang van ang nawalan ng control habang tumatakbo sa NLEX sa Mexico, Pampanga. Galing Isabela ang van at patungong Quezon City nang mawalan ng control at tumawid sa kabilang lane. Nabangga nito ang dalawang sasakyan. Ayon sa mga nakakita, mabilis ang takbo ng van. Hinihinala na lasing ang driver ng van.
Marami pang nangyaring aksidente sa kalsada ngayong Disyembre at sabi ng pulisya, dahil sa kalasingan ng drayber. Karaniwang nangyayari ang aksidente sa madaling araw o sa pagitan ng ala-una at alas singko ng umaga.
Mayroong batas laban sa pagmamaneho ng lasing—ang Republic Act 10586 (Anti-Drunk and Drugged Driving Act). Sa ilalim ng batas, ang sinumang mahuhuli na nagmamaneho na nasa impluwensiya ng alak at droga ay makukulong ng tatlong buwan at pagmumultahin ng P80,000. Bibigat naman ang parusa kapag mayroong napinsala at namatay. Magmumulta ng P200,000 hanggang P500,000 kapag may napinsala at namatay kapag napatunayang nagmaneho nang lasing. May katapat din itong mahabang pagkakakulong.
Pero sa kabila na mayroong batas, marami pa rin ang nagmamaneho nang lasing at nagaganap ang malagim na aksidente. Walang nahuhuli at napaparusahan. Naging dekorasyon na lamang ang RA 10586.
Ipatupad ang batas. Sampolan ang mga nagmamaneho nang lasing para mailigtas ang ibang motorista at pedestrian na mabibiktima dahil sa drunk driving. Kung hindi maipatutupad, magpapatuloy ang malalagim na aksidente sa kalsada.
- Latest