ISANG magsasaka sa Uganda na may 12 asawa, 102 na anak at 568 na apo ang nagpasyang ayaw na niyang madagdagan pa ang kanyang pamilya.
Ang 64-anyos na si Musa Hasahya ay naninirahan sa Uganda kung saan pinapahintulutan ng batas ang polygamy o pagkakaroon nang maraming asawa.
Sa ngayon, inutusan na niya ang kanyang mga asawa na gumamit ng contraceptives dahil kung madadagdagan pa ang 102 niyang mga anak, hindi na niya ito kakayaning buhayin pa dahil sa inflation.
Ayon kay Hasahya, patuloy ang pagtaas ng mga bilihin samantalang paliit nang paliit ang kinikita niya sa pagsasaka.
Naninirahan ang malaki niyang pamilya sa isang 12-bedroom house na nakatayo sa kanyang bukid sa Lusaka, Uganda.
Agad namang sumang-ayon ang mga asawa ni Hasahya sa utos nito. Isa na rito ang pinakabatang asawa ni Hasahya na si Zulaika na 31-anyos. Ayon dito, sapat na ang 11 anak niya kay Hasahya dahil mahihirapan na sila kung magbubuntis pa siya ng ika-12 anak.
Ipinagmalaki ni Hasahya na kahit 102 ang kanyang mga anak, kaya niyang pangalanan isa-isa ang lahat ng mga ito nang hindi nalilito. Ngunit pagdating na sa kanyang 568 na mga apo, hirap na siyang kilalanin ang lahat ng mga ito dahil sa sobrang dami.
Dahil sa inflation na nararanasan sa buong mundo, nirerekomenda ni Hasahya sa kanyang mga adult na anak na huwag siyang tularan at matuto nang gumamit ng contraceptives.